Sa kanyang Christmas broadcast noong 1939 sa bansang Britanya, binasa ni Haring George VI ang isang tula ni Minnie Louise Haskins:
Sinabi ko sa taong nakatayo sa pintuan ng taon,
“Bigyan mo ako ng liwanag upang ligtas akong makatahak sa hindi pa alam.”
At siya’y sumagot: “Lumabas ka sa kadiliman at ilagay ang iyong kamay sa Kamay ng Diyos.
Iyon ang magiging mas mabuti kaysa sa liwanag at mas ligtas kaysa sa alam na daan.”
Bagamat ang mga salitang iyon ay malinaw na makahulugan para kay George VI at sa kanyang mga nasasakupan sa gitna ng lumalalang digmaan sa Germany, nananatili pa rin itong umaalingawngaw sa puso at isipan ng mga tao ngayon. Nabubuhay tayo sa panahon ng malaking kawalan ng katiyakan at pag-aalala. Kung ang konteksto man ay geopolitika, pambansang ekonomiya, magkakasalungat na pananaw, o kahit ang ating sariling buhay-pamilya, ang mga tao ngayon ay naglalakad sa kadiliman, naghahanap ng liwanag na magtuturo sa kanila ng tamang daan.
Sa Juan 3:19, sa Kanyang pag-uusap kay Nicodemo, ibinahagi ni Jesus ang mabuting balita na ipinagdiriwang natin tuwing Pasko: “Ang liwanag ay dumating sa sanlibutan.” At ang kalikasan ng liwanag ay hindi isang pilosopiya. Hindi ito isang ideolohiya ng politika. Hindi rin ito isang damdamin o konsepto. Ang liwanag ay isang persona: si Jesu-Cristo. Sa Kanyang pagmamahal, isinugo ng Diyos si Jesus sa sanlibutan upang liwanagan ang ating daraanan, at akayin tayo mula sa mundo ng kamatayan patungo sa buhay na kasama Siya.
Si Jesus ang liwanag na nagbibigay sa atin ng paningin. O, gamit ang talinghaga ni Haskins, Siya ang kamay ng Diyos na iniabot sa atin—higit pa sa anumang uri ng liwanag na maaaring i-alok ng mundo. Paano nga ba natin maipapakita ang Kanyang liwanag sa isang mundong puno ng kadiliman? Tignan natin ang sagot na ibinigay mismo ni Jesus.
Mas Gusto ng Tao ang Kadiliman
“Ang liwanag ay dumating sa sanlibutan, ngunit mas minahal ng mga tao ang kadiliman kaysa sa liwanag dahil ang kanilang mga gawa ay masasama. Sapagkat ang bawat gumagawa ng masama ay napopoot sa liwanag at hindi lumalapit sa liwanag, upang ang kanyang mga gawa ay hindi malantad.” (Juan 3:19–20)
Bago natin maintindihan ang kagandahan at kapangyarihan ng liwanag ni Cristo, kailangan muna nating maunawaan kung ano ang naghihiwalay sa Kanyang liwanag mula sa kadilimang nakapaligid dito.
Hindi normal na ang isang magnanakaw ay tatawag mula sa madilim na bahagi ng bakuran, “Paumanhin, pwede bang buksan mo ang mga spotlight? Sinusubukan kong magnakaw sa bahay mo!” Sila’y mga magnanakaw. Ginagawa nila ang kanilang trabaho sa dilim. Ang pinakamasamang pwedeng mangyari sa kanila ay ang biglang pagbukas ng ilaw at matuklasan sila. Sa parehong paraan, sinasabi ng Bibliya na kung wala si Cristo, namumuhay tayo sa kadiliman (Efeso 5:8; 1 Pedro 2:9).
Ang kadiliman ng ating panahon ay nahahayag sa maraming paraan—kabilang na ang intelektuwal na kalituhan at moral na kabuktutan. Kapag naririnig ng tao si Jesus na nagsasabing, “Ang liwanag ay dumating sa sanlibutan,” marami ang tumutugon ng, “Napaka-interesante niyan, pero may sarili akong pananaw. Mayroon akong ibang liwanag na sinusundan, at sa tingin ko, pareho lang iyon ng iba.” Ang iba ay naniniwala na basta’t may kahulugan ang isang paniniwala sa isang tao, ito’y balido na. Iniisip nila na walang objektibo o pangmatagalang katotohanan; meron lang kung ano ang pinipili ng bawat isa para sa sarili niya. At kung walang walang-hanggang katotohanan, wala rin namang moral na pamantayan, kaya’t hindi natin dapat kontrahin ang mga tao sa pagsasabuhay ng kanilang “tunay na sarili”—kahit ano pa man ang maging resulta nito.
Maliban kung baguhin ng Diyos ang ating mga puso, ang huling bagay na gusto nating gawin ay tanggapin ang kamay na mag-aakay sa atin palabas ng kadiliman at papunta sa liwanag.
Hindi na natin kailangang magbigay ng mga pinakamasasamang halimbawa—racismo, pampublikong katiwalian, seksuwal na kabuktutan, o tahasang karahasan—kahit na madalas itong makita. Ang katotohanan ay sanay na ang ating lipunan sa kadiliman na madalas hindi na natin napapansin na wala na palang ilaw. Gaya ng isinulat ni C. S. Lewis, ang malaking kasamaan ay kadalasang “nabubuo at isinasagawa … sa malinis, may carpet, mainit, at maliwanag na mga opisina, ng mga tahimik na taong nakaputing kwelyo, malilinis ang kuko, at makinis ang pisngi na hindi kailangang magtaas ng boses.” Kung tayo’y bibigyan ng kakayahan upang makita ang kadiliman, mapagtatanto natin na hindi lang ito makikita sa mga malinaw na masamang bagay na nangyayari. Nasa loob din ito ng ating sariling mga puso. Ito ang likas na ugali na nagsasabing, “Ako ang may kontrol sa akin.” At ito ay malalim na nakaugat sa lahat ng tao—kahit pa sa mga pinakamatutuwid.
Sa kwento ng Pasko, kinasusuklaman ni Herodes ang ideya ng isang hari dahil gusto niyang manatili sa trono. Sa mga ulat ng Ebanghelyo, tinanggihan ng mga Pariseo ang Mesiyas dahil mayroon silang sariling paraan ng kaligtasan. Dalawang libong taon ang nakalipas, tinatanggihan pa rin natin ang Mesiyas-Hari sa parehong dahilan. Gusto natin tayo ang may huling salita sa ating mga buhay, kaya ibinibigay natin ang ating pagmamahal sa kadiliman, kahit na alam nating puno ito ng kawalan ng katiyakan at kaguluhan. Maliban kung baguhin ng Diyos ang ating mga puso, ang huling bagay na gusto nating gawin ay tanggapin ang kamay na mag-aakay sa atin palabas ng kadiliman at papunta sa liwanag.
Dapat Akayin Tayo ng Diyos Papunta sa Liwanag
“Ngunit ang gumagawa ng katotohanan ay lumalapit sa liwanag, upang makita na ang kanyang mga gawa ay ginawa sa Diyos.” (Juan 3:21)
Kung minsan ka nang nakaupo nang matagal sa isang silid, nagbabasa habang papalubog ang araw at humihina ang liwanag, maaaring naranasan mo na ang may pumasok at sabihing, “Ang dilim dito!” At baka sumagot ka ng, “Hindi ko napansin! Abala ako sa pagbabasa ng libro.” Ang gawain ng Espiritu ng Diyos ay maging ang siyang pumasok sa ating buhay at magsabing, “Madilim dito.” Sa likas na kalagayan, hindi natin napapansin na madilim. Sa kabuuan, iniisip natin na okay lang ito, dahil ito lang ang alam natin. Pero sa oras lang na napagtanto natin na madilim, saka pa lang tayo maghahanap ng liwanag.
Ang mensahe ng Pasko ay dapat maghatid ng pag-asa. Pero kung nais natin itong maging puno ng pag-asa, hindi ito dapat basta sentimental lang. Ang pag-asa ay nakasalalay sa katotohanan. Kung gusto nating kumapit sa pag-asa habang humaharap tayo sa dilim ng darating na taon, ang sarili nating layunin para sa ating buhay ay hindi magiging sapat. Hindi natin kayang gawing totoo ang isang bagay sa pamamagitan lamang ng paniniwala dito, at hindi natin kayang gawing tama ang isang bagay dahil lang gusto natin ito. Kung gusto nating kumapit sa pag-asa, kailangan nating makinig sa tinig na nagsasabi sa ating puso, “Madilim dito.” At pagkatapos, kailangan nating tumingin sa “tunay na liwanag” na dumating sa mundo (Juan 1:9).
Ang mensahe ng Pasko ay dapat maghatid ng pag-asa. Pero kung nais natin itong maging puno ng pag-asa, hindi ito dapat basta sentimental lang. Ang pag-asa ay nakasalalay sa katotohanan.
Ang mundo ay nasa kadiliman dahil hindi na natin likas na isinasabuhay ang tunay na layunin ng ating Lumikha. Sa madaling salita, hindi tayo ipinanganak na may hangaring “luwalhatiin ang Diyos at magalak sa Kanya magpakailanman.” Pero isinugo ng Diyos ang Kanyang Anak sa mundo upang ibalik ang tao sa katotohanan. Ang walang hanggang Salita ay naging tao at namuhay sa piling natin, at pagkatapos ay namatay para sa atin, binata ang parusa para sa mga nagawa nating mali. Nang Siya’y muling nabuhay, binuksan Niya ang daan na maaari nating sundan papunta sa bagong buhay kasama ang Diyos habang nabubuhay tayo sa pag-asa ng muling pagkabuhay. At isinugo Niya ang Kanyang Espiritu upang manirahan sa atin, ginagawang posible na lumakad tayo sa kapangyarihan ng Diyos.
“Ilagay ang Iyong Kamay sa Kamay ng Diyos”
Dumating si Jesus sa mundo upang baguhin tayo sa pamamagitan ng pag-akay sa atin palabas ng kadiliman ng makasariling kasinungalingan at papunta sa liwanag ng tunay na layunin ng Diyos. At ito ay nangangailangan ng personal at nagbabagong-buhay na tugon: Magtiwala kay Jesu-Cristo upang magkaroon ka ng kapatawaran mula sa Diyos at magabayan ka sa katuwiran para sa Kanyang kaluwalhatian. Isuko ang kontrol sa iyong sariling buhay at gawing Panginoon Siya.
Ginawa ng pagkamatay ni Jesus sa krus na posible ang kapatawaran. Sa likas nating kalagayan, iniisip natin na hindi natin Siya kailangan. Pero ngayon, kung parang may Espiritu na nagsasalita sa’yo, sinasabing, “Alam mo ba? Madilim dito. Halika at lumakad sa liwanag ni Cristo,” huwag mong balewalain ang paanyayang iyon. “Ilagay ang iyong kamay sa Kamay ng Diyos.” Patutunayan Niya na Siya’y mas higit pa sa pinakamagandang maiaalok ng mundong ito.
Ang artikulong ito ay inangkop mula sa sermon na “The God Who Is There” ni Alistair Begg.This article was translated by Domini Primero of DBTG and was originally written by Alistair Begg for Truth For Life. To read the original version, click https://blog.truthforlife.org/the-light-of-christ-in-a-world-of-darkness