Ito ang dahilan kung bakit lagi namin kayong ipinapanalangin. Dalangin namin na tulungan sana kayo ng Dios na mamuhay nang karapat-dapat bilang mga tinawag niya. At dalangin din namin na sa tulong ng kapangyarihan niya, magawa nʼyo ang lahat ng mabubuting bagay na gusto ninyong gawin dahil sa inyong pananampalataya. 12 Sa ganitong paraan, mapaparangalan nʼyo ang ating Panginoong Jesus at kayo naman ay mapaparangalan niya ayon sa biyaya ng ating Dios at ng Panginoong Jesu-Cristo.
(2 Tesalonica 1:11-12 Ang Salita ng Dios)
Magandang balita talaga na ang disenyo ng Diyos ay pagyamanin ang kanyang kaluwalhatian sa pamamagitan ng pagpapakita ng kanyang biyaya.
Totoo, pinaparangalan ang Diyos sa pamamagitan ng kapangyarihan ng kanyang poot (Roma 9:22), ngunit paulit-ulit na sinasabi sa Bagong Tipan (at sa Lumang Tipan, halimbawa, Isaias 30:18) na dapat nating maranasan ang biyaya ng Diyos para magbigay luwalhati sa Diyos.
Pag-isipan kung paano ito gumagana sa panalangin ng 2 Tesalonica 1:11–12.
Nanalangin si Pablo na tuparin ng Diyos ang ating mabubuting hangarin.
Paano? Nanalangin siya na ito’y maganap “sa pamamagitan ng [kapangyarihan] ng Diyos.” Ibig sabihin, ito’y magiging “[mga gawa] ng pananampalataya.”
Bakit? Para luwalhatiin si Jesus sa atin.
Ibig sabihin, ang nagbigay ay siyang nakakatanggap ng luwalhati. Ang Diyos ang nagbigay ng kapangyarihan. Ang Diyos ang tumatanggap ng luwalhati. May pananampalataya tayo; nagbibigay siya ng kapangyarihan. Nakakatanggap tayo ng tulong; natatanggap niya ang luwalhati. Iyan ang kasunduan na nagpapanatili sa atin sa pagiging mapagpakumbaba at masaya, at sa kanya naman bilang kataas-taasan at kaluwalhatian.
Pagkatapos sinabi ni Pablo na ang pagluwalhati kay Cristo ay “ayon sa biyaya ng ating Diyos at ng Panginoong Jesus.”
Ang sagot ng Diyos sa panalangin ni Pablo na umasa tayo sa kapangyarihan ng Diyos upang gumawa ng mabuti ay biyaya. Ang kapangyarihan ng Diyos na makapagbigay kakayahan sa iyo na gawin ang iyong pinapangarap gawin ay biyaya.
Iyan ang paraan kung paano ito gumagana sa Bagong Tipan nang paulit-ulit. Magtiwala sa Diyos para sa mapagbiyayang pagpapalakas, at siya ang tumatanggap ng luwalhati kapag dumating ang tulong.
Nakakatanggap tayo ng tulong. Siya ang tumatanggap ng luwalhati.
Kaya nga ang pamumuhay bilang Kristiyano, hindi lang ang pagiging Kristiyano mula sa simula, ay magandang balita.
This article was translated by Fatima Abello and Joshene Bersales, and was originally written by John Piper of Desiring God. To read the original version, click https://www.desiringgod.org/articles/the-giver-gets-the-glory