Sumusulat ako sa inyo, mga anak, sapagkat pinatawad na ang inyong mga kasalanan alang-alang sa kanyang pangalan. (1 Juan 2:12 MBBTAG)
Bakit kailangan nating bigyang-diin na ang Diyos ay nagmamahal, nagpapatawad, at nagliligtas “para sa kapakanan ng kanyang pangalan” — para sa kanyang sariling kaluwalhatian? Narito ang dalawang dahilan (mula sa karamihan).
1) Dapat nating bigyang-diin na ang Diyos ay nagmamahal at nagpapatawad para sa kanyang sariling kaluwalhatian dahil ganito ang sinasabi ng Bibliya.
“Ako mismo ang naglilinis ng mga kasalanan mo para sa aking karangalan, at hindi ko na iyon aalalahanin pa.” (Isaias 43:25 Ang Salita ng Dios)
Panginoon, alang-alang sa inyong kabutihan,[a] patawarin nʼyo ako sa napakarami kong kasalanan. (Awit 25:11 Ang Salita ng Dios)
Mahabag ka sana,
kami ay tulungan, Diyos na aming Tagapagligtas,
dahil sa ngalan mo, kaming nagkasala’y patawaring ganap;
at sa karangalan ng iyong pangalan, kami ay iligtas. (Awit 79:9 MBBTAG)
Palagi kaming lumalayo sa inyo kaya dapat lang kaming parusahan. Pero tulungan po ninyo kami ngayon, alang-alang sa karangalan ng pangalan ninyo. (Jeremias 14:7 Ang Salita ng Dios)
O Panginoon, kinikilala namin ang kasamaan namin, pati ang kasalanan ng mga ninuno namin. Nagkasala po kami sa inyo. 21 Huwag nʼyo po kaming itakwil, alang-alang sa karangalan ng pangalan ninyo. Huwag nʼyo pong ilagay sa kahihiyan ang marangal nʼyong trono. (Jeremias 14:20–21 Ang Saita ng Dios)
25 Siya ang inialay ng Diyos bilang handog, upang sa pamamagitan ng kanyang dugo ay mapatawad ang kasalanan ng lahat ng sumasampalataya sa kanya. Ginawa ito ng Diyos upang patunayang siya’y matuwid, sapagkat noong unang panahon ay nagtimpi siya at pinagtiisan ang mga kasalanang nagawa ng mga tao. 26 Ngunit ngayon ay ipinapakita ng Diyos na siya’y matuwid at itinuturing niyang matuwid ang mga sumasampalataya kay Jesus. (Roma 3:25–26 MBBTAG)
Sapagkat pinatawad na ang inyong mga kasalanan alang-alang sa kanyang pangalan. (1 Juan 2:12 MBBTAG)
2) Dapat nating bigyang-diin na ang Diyos ay nagmamahal at nagpapatawad para sa kanyang sariling kaluwalhatian dahil ipinapakita nito na mahal tayo ng Diyos ng pinakamataas na pag-ibig.
“Ama, sila na ibinigay mo sa akin ay nais kong makasama sa kinaroroonan ko upang mapagmasdan nila ang kaluwalhatiang ibinigay mo sa akin” (Juan 17:24 MBBTAG)
Hindi tayo minahal ng Diyos sa paraang tayo ang pinakamataas, kundi Siya ang magiging pinakamataas. Ang langit ay hindi magiging bulwagan ng mga salamin, kundi patuloy na pagkakitaan ng walang hanggang kadakilaan. Ang makarating sa langit at malamang tayo ang pinakamataas ay magiging pinakamalaking kabiguan.
Ang pinakamataas na pag-ibig ay tinitiyak na ginagawa ng Diyos ang lahat sa paraang mapanatili at mapalawak ang kanyang sariling kataas-taasan, upang, pagdating natin sa langit, mayroon tayong bagay na magpapataas ng ating kagalakan magpakailanman: ang kaluwalhatian ng Diyos. Ang pinakamataas na pag-ibig ay ang pagbibigay ng Diyos sa kanyang sarili sa atin para sa ating walang hanggang kasiyahan, sa halaga ng buhay ng kanyang Anak (Roma 8:32). Iyon ang ibig niyang sabihin kapag sinabi niyang mahal niya tayo at pinapatawad tayo alang-alang sa kanyang pangalan.
This article was translated by Fatima Abello and Joshene Bersales, and was originally written by John Piper of Desiring God. To read the original version, click https://www.desiringgod.org/articles/the-greatest-love



