Ngunit nilamon ng tungkod ni Aaron ang kanilang mga tungkod.
Exodo 7:12
Ang pangyayaring ito ay isang makahulugang ilustrasyon ng tiyak na tagumpay ng gawa ng Diyos laban sa lahat ng pagsalungat. Kapag ang isang banal na prinsipyo ay naitanim sa puso, kahit na ang diyablo ay makagawa ng pekeng bersyon at maglabas ng maraming kalaban, makakasiguro tayo na ang Diyos ay nasa gawaing ito, at ito ay lalamunin ang lahat ng mga kaaway. Kung ang biyaya ng Diyos ay sumakop sa isang tao, maaaring ihagis ng mga salamangkero ng mundo ang lahat ng kanilang mga tungkod, at bawat tungkod ay maaaring maging kasing tuso at makamandag ng isang ahas; ngunit ang tungkod ni Aaron ay lalamunin ang kanilang mga tungkod.
Ang matamis na akit ng krus ay hihikayat at magwawagi sa puso ng tao, kaya’t kahit na siya ay nabuhay lamang para sa mapanlinlang na mundong ito, magkakaroon siya ngayon ng pananaw para sa langit, at ang kanyang isipan ay magtutuon sa mga bagay na nasa itaas. Kapag ang biyaya ay nagtagumpay, ang hindi naniniwala ay magsisimulang hanapin ang darating na mundo. Ang parehong katotohanan ay makikita sa buhay ng mananampalataya. Maraming kaaway ang sumalakay sa ating pananampalataya—ang ating mga dating kasalanan; ihinagis ng diyablo ang mga ito sa harapan natin, at naging mga ahas sila. Kay rami nila! Ngunit winawasak ng krus ni Jesus ang lahat ng ito. Ang pananampalataya kay Cristo ay mabilis na pinupuksa ang lahat ng ating kasalanan.
Pagkatapos ay nagpakawala ang diyablo ng isa pang hukbo ng mga ahas sa anyo ng mga pagsubok sa mundo, tukso, at kawalan ng paniniwala; ngunit ang pananampalataya kay Jesus ay higit pa sa sapat para labanan ang mga ito at magtagumpay sa lahat ng ito. Ang parehong matinding prinsipyo ay nagniningning sa tapat na paglilingkod sa Diyos!
Sa masigasig na pagmamahal kay Jesus, ang mga kahirapan ay napagtatagumpayan; ang mga sakripisyo ay nagiging kaluguran; ang mga pagdurusa ay nagiging karangalan. Ngunit kung ang pananampalataya ay isang matinding pagnanasa sa puso, nangangahulugan ito na maraming tao ang nagpapahayag nito ngunit wala naman talaga; sapagkat ang kanilang pananampalataya ay hindi kayang lampasan ang ganitong pagsubok. Suriin mo ang iyong sarili sa puntong ito, aking mambabasa. Pinatunayan ng tungkod ni Aaron ang kapangyarihang galing sa langit. Ginagawa ba ito ng iyong pananampalataya? Kung si Cristo ay kahit ano, kailangan Siya ay lahat. Huwag kang magpahinga hanggang ang pagmamahal at pananampalataya kay Jesus ay maging pangunahing pagnanasa ng iyong kaluluwa!
This article was translated by Domini Primero of DBTG and was originally written by Alistair Begg for Truth For Life. To read the original version, click https://www.truthforlife.org/daily/?date=06/28/2024&tab=devotional