May isang country song na malikhaing nakapagpahayag ng mga hirap na madalas nating nararanasan. Kumanta si Chris Janson, “Alam kong sinasabi ng lahat na hindi nabibili ng pera ang kaligayahan . . . pero makakabili naman ako nito ng isang bangka.”
Paulit-ulit nating naririnig na may mga bagay na hindi mabibili ng pera, tulad ng kaligayahan. Gayunpaman, sa mga sandali dumadating ang pagiging hindi kuntento, gusto nating hamunin ang kasabihang iyon.
Binanggit ni apostle Paul ang pagiging kontento bilang isang bagay na hindi natural, isang bagay na dapat matutunan. Sa pagharap sa iba’t ibang mga pangyayari mula sa kasaganaan hanggang sa pagiging hikahos, natutunan niyang maging kuntento sa alinman. Natuto siya sa pamamagitan ng karanasan (Philippians 4:11–13).
Paghahalungkay sa Ating Kawalang-kasiyahan
Matutunan din natin ang pagiging kuntento sa ibang paraan—sa pamamagitan ng paghahalungkay sa ating kawalang-kasiyahan. Habang hinuhukay natin ang mga ugat ng ating kawalang-kasiyahan, mas hinahanda tayong labanan ito. Kamakailan, habang nagdarasal at nagmumuni-muni ako, natanto ko na ang aking kawalang-kasiyahan ay kumbinasyon ng aking kasalanan at mabubuting hangarin.
I-kunsidera natin ang aking tahanan bilang halimbawa. Sa nakalipas na mga buwan, hindi ako nasisiyahan sa tanawin sa labas ng aming mga bintana sa likod. Nakatira kami sa isang transisyonal na kabahayan sa lungsod, kaya kasama sa aming matatanaw ang industrial na bagay-bagay at mga tambak ng basurang naghihintay na ma-recycle. Sa halip na sa eksenang ito, hinangad kong tumingin at makakita ng kagandahan—perpektong bagay na katulad ng kanayunan ng England (ganap na hindi makatotohanan sa aming lungsod). Hindi lang minsan na pagkakataon, naglibot ako sa buong bayan na tinitingnan ang mga lugar na nais kong tirahan na medyo mas maganda kaysa sa amin. Ipinapalagay ko na ang paglipat sa kalapit bayan ay maaaring makapagpasaya sa akin.
Siyempre, kahit isang magandang lugar sa kanayunan ng England ay hindi makasisiya sa akin (atleast ng matagal-tagal). Ang totoo ang inaasam kong ay tumira sa makalangit na tahanan. At hanggang hindi pa ako maninirahan roon, walang tahanang dito ang lubos na magpapasaya sa akin. Parang nakakalungkot ang kaisipan ito—mabubuhay ako nang habang buhay na hindi nasiyahan. Ngunit ito ay talagang mapagpalaya. Dahil walang tahanang makakapagbigay sa talagang gusto ko,ang kasalukuyang bahay ko ay OK na para sa akin. Maaari ko rin itong tamasahin sa kung ano ito at maghintay para sa langit at ang karagdagan pa nito.
Habang patuloy kong iniisip ang paghalungkay sa aking kawalang-kasiyahan, natanto ko ang napakarami sa mga bagay na hindi nagpapasayahan sa akin ay nagmula sa mabubuting hangarin. Kapag ako ay hindi kuntento sa aking katawan, ito ay hindi dahil sa may ibang uri ng balat o bone structure na magpapaligaya sa akin, ito’y dahil ang aking katawan ay lumilipas, at ako ay nananabik para sa niluwalhating katawan (glorified body) na magkakaroon ako balang araw. Kapag hindi ako nakukuntento sa buhay may asawa at sa iba pang relasyon, hindi dahil may ibang tao ang mas makakapuno sa role na iyon , iyon ay dahil inaasam ko ang perpektong fellowship sa Panginoon at sa iba pang mga mananampalataya. Kapag hindi ako nasisiyahan sa nakakainip, paulit-ulit na mga araw, hindi dahil kailangan kong maglakbay nang maraming beses o dumanas ng isang di malilimutang adventure, ito ay dahil inaasam ko ang pinakadakilang karanasan sa piling ng Diyos at masiyahan sa kanya ng walang hanggan.
Totoo, ang ating kawalang-kasiyahan ay hindi kasing simple ng inilarawan ko sa mga halimbawang ito. Ang kasalanan ay humahalo sa ating mabubuting hangarin. Sa aking kawalang-kasiyahan sa aking katawan, mayroon ding vanity. Sa aking kawalang-kasiyahan sa mga relasyon, mayroon ding pagkamakasarili. Sa aking kawalang-kasiyahan sa pang-araw-araw na buhay, mayroon ding kawalan ng pagpapasalamat. Ang pagsusuri sa ating kawalang-kasiyahan ay kinabibilangan ng pagkilala sa mga tamang pagnanasa at pagsisisi sa kaugnay na kasalanan.
Ginawa para sa Ibang Mundo
Ang pagkilala sa mga pangunahing hangarin sa ilalim ng aking kawalang-kasiyahan ay nagturo sa akin ng isang bagong paraan upang hanapin ang pagiging kuntento. Kapag hindi ako hindi nasisiyahan, nagsisisi ako sa aking kasalanan at hinihiling sa Panginoon na iangat ang aking mga mata, i-redirect at i-renew ang aking pananabik para sa Kanya at sa langit.
Sa aklat na Mere Christianity, tanyag na isinulat ni C. S. Lewis, “Kung nakikita ko sa aking sarili ang isang paghahangad na hindi kayang bigyang-kasiyahan ng anumang karanasan sa mundong ito, ang pinakamalamang na paliwanag dito ay ako ay ginawa para sa ibang mundo.” Ang makasalanang mundong ito ay sa simulat simula hindi nagbibigay lugod. Tulad ng ipinaliwanag ni Lewis, “Marahil ang mga kasiyahan sa lupa ay hindi kailanman sinadya upang bigyang kasiyahan ang [ating mga hangarin], ngunit upang pukawin lamang ito, upang imungkahi ang tunay na bagay.” Dito tayo madalas magkamali. Kapag ang makalupang kasiyahan ay hindi nakakasapat, tayo ay nananatili sa kaisipang iyon sa halip na umasa sa isang bagay na mas mabuti.
Kung gayon, ang ating kawalang-kasiyahan ay may layunin. Itinuturo nito ang “tunay na bagay” na gusto natin. Dapat tayong hindi maging kuntento (sa isang banda) sa makalupang kasiyahan. Kung sila ay nagbibigay-kasiyahan sa atin, kung gayon madali tayong maagaw ng ganoong kasiyahan. Ang problema ng ating kawalang-kasiyahan ay kapag naniniwala tayo na ang makalupang mga pakinabang ay lulutas sa ating panloob na mga hangarin. Ito ay umaakay sa atin na mainggit sa kung ano ang ibinigay ng Diyos sa iba, at tayo ay hindi nagiging mapasalamatin sa kaniyang mga ibinibigay sa ating sariling buhay.
Sa halip, sinabi ni Lewis, “Dapat kong panatilihing buhay sa aking sarili ang pagnanais para sa aking tunay na bayan, na hindi ko mahahanap dito kundi sa kabilang buhay; Hindi ko dapat hayaang matabunan ako at mapailalim o mapalugmok sa isang tabi; Dapat kong gawin itong pangunahing layunin ng buhay na magpatuloy sa ibang bansang iyon at tulungan ang iba na gawin din iyon.”
Sa pag-uukol ng panahon na maunawaan ang ating mga hangarin, makikita natin kung ano talaga ang gusto natin na tanging langit lang ang makakapagbigay. Sa halip na magreklamo tungkol sa kung ano ang kulang, inaasam natin ang kabuuan at kasiyahang matatamasa natin doon—at hinihikayat natin ang iba na gayon din ang gawin.
Ang ating pagiging hindi kuntento sa kasalukuyang mundong ito ay nagpapalaki sa ating pagnanais para sa susunod. At maaari tayong magpasalamat: kahit na hindi mabibili ng pera ang tunay na kaligayahan o langit, pareho itong binili ni Jesus.
This article was translated by Nitoy Gonzales and was originally written by Winfree Brisley for The Gospel Coalition. To read the original version, click https://www.thegospelcoalition.org/article/the-right-kind-of-discontentment/