Ano ang Ipinagdiriwang ng mga Kristiyano tuwing Pasko?

share

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

Marami sa atin ang pamilyar na sa mga kantang pamasko. Taon-taon, naririnig natin ang mga ito sa radyo, sa mga smart speaker, sa TV, o habang tayo’y namimili. Maaaring lumaki pa tayo na kinakanta ang mga ito kasama ang pamilya, at kaya nating ikwento ang bahagi ng kuwento na sinasabi ng mga kantang iyon. Pero ang pagiging pamilyar sa Pasko ay malayo sa tunay na pag-unawa sa kahalagahan nito. Iba ang pagkanta tungkol sa Pasko, at iba rin ang pagninilay kung nasaan tayo kaugnay ng pangyayaring ipinagdiriwang nito.

Sa totoo lang, ang kapanganakan ni Jesus ay palaging nagdudulot ng iba’t ibang reaksyon, noon at ngayon. Katulad ng kay Herodes (Mateo 2:1–4), ang posibilidad ng pagdating ng isa pang hari ay nakakabagabag para sa ilan. Ang iba naman, tulad ng mga pastol, ay nakadarama ng paghanga at pagkamangha sa pagninilay ng pagsilang ni Cristo (Lucas 2:8–20). Ang iba pa, na sumusunod sa halimbawa ng mga pantas, ay nagpasyang mag-alay ng kanilang pinakamahalagang regalo sa Tagapagligtas (Mateo 2:10–12). At may mga iba rin na, sa totoo lang, hindi alam kung ano ang gagawin sa mga pangyayaring ito.

Kung nais nating maunawaan ang kahulugan ng Pasko, kailangan nating sagutin ang dalawang tanong. Una: Sino ang batang ipinanganak sa Bethlehem? At pangalawa: Bakit Siya dumating? Sa Mateo 1:18–25, binibigyan ng dalawang pangalan ang Anak ng Diyos na, kung mauunawaan nang tama, magbibigay ng sagot sa dalawang mahahalagang tanong na ito.

Sino ang Sanggol sa Sabsaban?

Ang pagkakakilanlan ni Jesus, ang Anak ng Diyos, ay ipinahayag sa pangalang Emmanuel, na nangangahulugang “Diyos kasama natin” (Mateo 1:23). Upang maunawaan ang pangalang ito, kailangan ng kaunting kaalaman sa Lumang Tipan. Ang pagdating ng Anak ng Diyos ay katuparan ng mga propesiya noong una pa man. Sa simula pa lang ng Genesis—ang unang aklat ng Lumang Tipan ng Bibliya—naroon na ang pangako ng Diyos na Siya ay magiging kasama ng Kanyang bayan sa anyo ng binhi. Kaagad pagkatapos ng pagkahulog ng tao sa kasalanan, mababasa natin ang mahalagang pangakong ito: “Siya ang dudurog ng iyong ulo, at ikaw ang dudurog ng kanyang sakong” (Genesis 3:15). Kanino tumutukoy ang talatang ito? Sino ang mga sangkot dito? Walang iba kundi ang Anak ng Diyos mismo—ang magwawakas sa ulo ng ahas, si Satanas. Tulad ng konklusyon ng isang magandang mystery novel, kung saan nagkakaugnay-ugnay ang mga tila magkakaibang detalye upang lutasin ang kaso, ganoon din ang mga pahiwatig at detalye sa ating Lumang Tipan na umaabot sa rurok sa pagdating ng Anak ng Diyos.

Iba ang pagkanta tungkol sa Pasko, at iba rin ang pagninilay kung nasaan tayo kaugnay ng pangyayaring ipinagdiriwang nito.

Ang kwento ng Bibliya ay hindi tungkol sa tao na naghahanap sa Diyos, kundi ng Diyos na naghahanap sa tao. Taliwas sa ideya na ang kasaysayan ay isang sunod-sunod na mga pangyayari na tila walang kabuluhan mula pa noong unang panahon hanggang ngayon, itinuturing ng Bibliya ang kasaysayan bilang pagpapahayag ng plano ng Diyos. Ang kasaysayan ay kwento ng Diyos. Dapat nating tanggapin ang katotohanan na kung tayo lang ang magtatangkang hanapin ang Diyos o intindihin ang kasaysayan, hindi natin magagawa. Walang intelektuwal na daan patungo sa Diyos, kung tutuusin. Ang tanging paraan upang makilala ng tao ang Diyos at maunawaan ang mundo at ang ating lugar dito ay kung ilalagay ng Diyos ang Kanyang sarili sa kalagayan kung saan makikilala natin Siya. At ginawa nga ito ng Diyos sa pamamagitan ng pagpapadala ng Kanyang Anak—si Emmanuel, “Diyos kasama natin.”

Bakit Siya Dumating?

Ang dahilan ng pagdating ng Anak ng Diyos ay makikita sa isa pa Niyang pangalan: “Tatawagin mo siyang Jesus,” iniutos ng anghel kay Jose, “sapagkat ililigtas niya ang kanyang bayan mula sa kanilang mga kasalanan” (Mateo 1:21). Ang pangalang Jesus ay katumbas ng pangalang Hebreo na Yeshua (o Joshua), na nangangahulugang “Si Yahweh ang kaligtasan.” Ang tadhana ng bata ay ipinahayag sa Kanyang pangalan: Dumating Siya upang iligtas ang mga makasalanan.

Sa buong Lumang Tipan, masigasig na hinanap ng bayan ng Diyos ang isang tagapagligtas. Nang ipinanganak ang batang nasa Bethlehem, Siya’y ipinanganak bilang Tagapagligtas sa isang mundong nasa krisis at sa isang bayang nasa kawalan ng pag-asa. At kahit matagal na mula nang ipanganak si Jesus sa Bethlehem, hindi naman nagbago ang sitwasyon. Tulad ng mga tao noon, tayo rin ay nabubuhay sa isang mundong puno ng krisis at kapahamakan. Nasa kaguluhan ang ating mundo. Sa kabila ng napakatagal na panahon at lahat ng ating pag-unlad, hindi pa rin tayo kayang mamuhay nang may kapayapaan sa isa’t isa. Kaya nating makipag-usap sa isang tao sa kabilang dako ng mundo nang agaran, ngunit ang mga mag-asawa ay hindi kayang mag-usap sa tabi ng hapag-kainan sa almusal. Ang mga anak ay may alitan sa kanilang mga magulang; ang mga relasyon ay puno ng tensyon. Bakit? Inilalahad ng Kasulatan ang puno’t dulo ng lahat: sa ilalim ng bawat krisis at kapahamakan ay ang katotohanan na ang ating mga kasalanan ang naghiwalay sa atin sa Diyos. Kung ano man ang hitsura ng tao ngayon, hindi ito ang nilayon ng Diyos na maging tayo.

Ipinanganak si Jesus bilang Tagapagligtas sa isang mundong nasa krisis at sa isang bayang nasa kawalan ng pag-asa.

Sa madaling salita, ang problema sa mundo ngayon ay kasalanan—hindi lang mga kasalanan, kundi kasalanan mismo. May pagkakaiba iyon! Kapag iniisip natin ang “mga kasalanan,” madalas tayong matukso na isipin ang mga bagay na nagawa natin o hindi nagawa. Pero ang Bibliya ay nagsasalita rin ng “kasalanan” (singular). Nagkakasala tayo dahil tayo’y makasalanan sa likas na kalagayan—at dahil tayo’y makasalanan, kailangan natin ng Tagapagligtas. Hindi natin kayang iligtas ang ating mga sarili. Ang ating kalagayan ay nangangailangan na may dumating mula sa labas at harapin ang ating suliranin, mamatay para sa atin.

Nakakita ka na ba ng ibang tagapagligtas diyan? May nakita ka na bang iba pang tagapagligtas? Walang kaligtasan sa kahit sino pa. Ang tanging pangalan sa silong ng langit na ibinigay sa mga tao na ating dapat ikaligtas ay si Jesus (Gawa 4:12).

Ang Puso ng Usapin

Ang kapanganakan ni Cristo bilang Emmanuel at Tagapagligtas ay isang makasaysayang usapin—ngunit ito rin ay usapin ng pananampalataya.

Ang pananampalataya ay hindi isang kalakal, at hindi rin ito isang bagay na maibibigay ng sinuman maliban sa Diyos mismo. Ang pananampalataya, o ang paniniwala sa Salita ng Diyos, ay kinasasangkutan ng isipan, puso, at kalooban. May malinaw na intelektuwal na aspeto—kahit na sinasabi ng ilan na may pader sa pagitan ng katuwiran at pananampalataya. Pero wala sa Bibliya na hinihikayat tayong iwanan ang ating pag-iisip upang magkaroon ng pananampalataya. Ang Bibliya ay tumatalakay sa larangan ng kasaysayan at katotohanan. Ang pananampalataya ay batayang intelektuwal, nasa perpektong pagkakaisa sa katuwiran.

Ngunit ang pananampalataya ay mayroon ding emosyonal na aspeto. Ang paniniwala ay kinasasangkutan ng pagtitiwala sa mga pangako ng Diyos, pagkakasundo sa Kanyang sinabi, at pagtanggap ng ating pangangailangan sa Kanya. Panghuli, ang pananampalataya ay may elementong volisyonal. Sa madaling salita, dapat may paglipat mula sa simpleng pagkilala sa isipan patungo sa aktwal na pagtatalaga. Magkaiba ang pagkakaroon ng tamang kaisipan tungkol sa Diyos o pag-enjoy sa ideya ng Diyos, at ang tunay na pananampalataya na humahantong sa pagkilos, umaasa na ang Diyos ay kung sino ang sinasabi Niya at gagawin ang Kanyang sinasabi.

Narito ang puso ng usapin: ang pananampalataya ay hindi lamang ang pagkilala na mayroong Jesus o ang paniniwala na si Jesus ang taong sinabi Niya. Ito ay ang malaman at maranasan ang Kanyang presensya at kapangyarihan sa ating buhay. At ang tanging paraan para malaman natin iyon ay ang paglubog natin sa walang hangganan ng Kanyang pag-ibig, biyaya, at kapatawaran.

Ang tunay na pananampalataya ay humahantong sa pagkilos, umaasa na ang Diyos ay kung sino ang sinasabi Niya at gagawin ang Kanyang sinasabi.

Ibinigay mo na ba ang iyong sarili sa Panginoon? Kailanman ba’y lumubog ka sa dagat ng kapatawaran ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya? Gaya ng sinabi ni apostol Pablo, noong maraming siglo na ang nakalipas, “Ngayon ang panahong kalugud-lugod; ngayon ang araw ng kaligtasan” (2 Corinto 6:2). Kaya kung hindi mo pa natitiwalaan si Cristo bilang iyong Panginoon at Tagapagligtas, marahil nais mong gawin ang mga salita ng simpleng panalanging ito:

Panginoong Jesu-Cristo, inaamin ko na ako’y mas mahina at mas makasalanan kaysa sa dati kong pinaniniwalaan, ngunit sa pamamagitan Mo ako’y mas minamahal at tinatanggap kaysa sa aking inaasahan. Salamat sa pagbabayad ng aking pagkakautang, pagdadala ng aking parusa, at pag-aalok ng kapatawaran sa akin. Tatalikuran ko na ngayon ang aking kasalanan at tinatanggap Kita bilang aking Tagapagligtas. Sinasabi ng Iyong Salita na ang sinumang lumapit sa Diyos sa pamamagitan Mo ay hindi Niya kailanman itatakwil. Dinggin Mo ang aking panalangin, Panginoong Jesu-Cristo. Amen.

Ang artikulong ito ay inangkop mula sa sermon na “She Will Bear a Son” ni Alistair Begg. Mag-subscribe para makatanggap ng lingguhang blog updates.

This article was translated by Domini Primero of DBTG and was originally written by Alistair Begg for Truth For Life. To read the original version, click https://blog.truthforlife.org/what-do-christians-celebrate-at-christmas

Alistair Begg

Alistair Begg

Alistair Begg is the senior pastor of Parkside Church in Cleveland, Ohio, the Bible teacher at “Truth For Life,” and the author of Brave by Faith: God-Sized Confidence in a Post-Christian World. He is married to Susan, and together they have three grown children and five grandchildren.
Alistair Begg

Alistair Begg

Alistair Begg is the senior pastor of Parkside Church in Cleveland, Ohio, the Bible teacher at “Truth For Life,” and the author of Brave by Faith: God-Sized Confidence in a Post-Christian World. He is married to Susan, and together they have three grown children and five grandchildren.

Related Posts