Bakit Pakiramdam Natin Parang Kulang pa rin ang Pasko

share

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

Yung mga ilang araw sa pagitan ng Pasko at Bagong Taon, may itinuturo sa atin tungkol sa malalim na pagnanasa ng ating kaluluwa. Madalas, ang kasiyahan at kagalakan ng araw ng Pasko ay dumadaan lang na parang isang kisapmata. Pagkatapos ng napakatagal na paghahanda, parang ang natitira na lang ay mga laso, balot, paglilinis, at pagbalik ng mga regalo. Bakit nga ba parang napakabilis ng Pasko?

Maging si Pastor at teologo na si Sinclair Ferguson ay naging tapat tungkol sa mga hindi natutupad na inaasahan sa Pasko noong bata pa siya: “Noong bata ako, parang namamatay ang Pasko tuwing gabi ng Disyembre 25. Ang paghihintay ay tila napakahaba; ngunit ang kaganapan, masyadong mabilis matapos. Sinubukan ko pa ngang muling ibalot ang mga regalo ko at buksan uli kinabukasan.” Pero ang magic nito ay hindi nagtatagal, dahil ang araw mismo ay itinuturo tayo sa tinatawag ni C.S. Lewis na “mas malalim na magic bago pa sumikat ang araw.”

Ang Pasko, sa kabila ng mga pagdiriwang at kaguluhan, ay laging nag-iiwan sa atin ng pakiramdam na kulang pa dahil si Hesus lamang, ang Cristo ng Pasko, ang makakapuno ng pinakamalalim na uhaw ng ating puso.

Ang Pagkagutom ng Ating mga Puso

Nang umawit si Maria, ang ina ni Hesus, ng papuri sa Diyos habang inaasam ang pagsilang ni Cristo, sinabi niya, “Pinuspos niya ng mabubuting bagay ang mga nagugutom” (Lucas 1:53). Ang imaheng ito ay hindi lang kay Maria matatagpuan; makikita rin ito sa Lumang Tipan. Halimbawa, sinasabi sa Awit 107:9 na “pinupuno ng Diyos ang kaluluwang nauuhaw at binibigyan ng mabubuting bagay ang nagugutom.” Sa parehong awit, sinasabi rin na “may ilang naglalakbay sa mga disyertong lugar” at “gutom at uhaw, nanghihina ang kanilang kaluluwa” (talata 4–5). Ganito ang kalagayan natin kapag wala si Cristo: naglalakad tayo na parang wala sa direksyon “sa tuyot at uhaw na lupain kung saan walang tubig” (Awit 63:1). Kung wala Siya, ang ginhawa ay hindi abot-kamay, at ang kaaliwan at kaginhawahan ay tila pangarap lang na malayo.

Ang Pasko, sa kabila ng kasiyahan at kaguluhan, ay nag-iiwan sa atin ng pakiramdam na kulang pa dahil tanging si Hesus, ang Cristo ng Pasko, ang makakapuno ng pinakamalalim na uhaw ng ating puso.

Walang sinuman ang hindi pa nakaranas ng pagkadama ng hindi natutupad na inaasahan at pagnanasa. Ganyan tayo dinisenyo ng Diyos: upang maghangad at mag-asam ng mas higit pa sa atin. Ang problema, siyempre, ay sinisikap nating punan ang mga pagnanasang ito ng mga bagay na nasa harapan lang natin. Ang iba sa atin ay umaasa sa Pasko upang punan ang mga hinahangad tuwing umiikot ang kalendaryo mula Nobyembre hanggang Disyembre (o baka mas maaga pa!). Pero hindi sapat ang Pasko. Mas malalim pa ang ating mga hinahangad kaysa sa isang masayang araw o mga linggo ng selebrasyon.

Tanging Diyos Lang ang Makakapuno

Ang dahilan kung bakit kahit ang kasiyahan ng Pasko ay hindi tayo lubos na mapunan ay dahil ang pinakasentro ng ating pagkatao ay ginawa para sa Diyos na nagbibigay kabuluhan sa Pasko. Kung susubukan nating mabuhay at magdiwang nang hiwalay sa Kanya—at alam nating lahat ang tukso na malunod sa consumerism ng Pasko!—walang dami ng kasiyahan sa holiday ang makakapuno sa puwang na naiwan. Tulad ng pinaalala ni Augustine, ginawa tayo ng Diyos para sa Kanya, at ang ating mga puso ay hindi mapapanatag hanggang hindi ito nagpapahinga sa Kanya.

Kung kailangan natin nang husto ang Diyos, bakit nga ba hindi lahat ng tao ay lumalapit sa Diyos at humihiyaw ng, “O Diyos, punuan Mo ang hinahangad ng aking puso”? Ang maikling sagot diyan ay dahil bago Niya tayo baguhin, ang ating mga puso ay natural na kalaban ng Diyos. Hindi para sa Kanya at sa Kanyang kaluwalhatian ang likas na mga iniisip at hangarin natin. Sa halip, tulad nina Adan at Eba sa hardin, pinaniniwalaan natin ang kasinungalingan, sinusunod ang sariling daan, at hinahanap ang kasiyahan sa lahat ng bagay maliban sa pinagmumulan ng tunay na kasiyahan.

Ang iba sa atin ay umaasa sa Pasko upang matugunan ang mga hinahangad sa tuwing umiikot ang kalendaryo mula Nobyembre hanggang Disyembre (o baka mas maaga pa!). Pero hindi sapat ang Pasko. Mas malalim ang ating mga pagnanasa kaysa sa isang masayang araw o mga linggo ng selebrasyon.

Itinuturo ni David Wells kung paano ang gutom na ito sa espiritu ay partikular na tumatama sa mga kabataan, na madalas nalilito sa pakiramdam ng kakulangan na nararanasan nila:

“Mataas ang kanilang kumpiyansa sa sarili pero pakiramdam ng sarili nila ay walang laman. Lumaki silang sinasabihan na kaya nilang maging ano man ang gustuhin nila, pero hindi nila alam kung ano ang gusto nilang maging. Malungkot sila, pero tila walang dahilan ang kanilang kalungkutan. Mas marami silang koneksyon sa maraming tao dahil sa internet, pero hindi pa nila naramdaman ang ganitong kalungkutan. Gusto nilang tanggapin sila, pero madalas pakiramdam nila ay hiwalay sila sa iba. Wala pa tayong nagkaroon ng ganito karami, at wala pa rin tayong nagkaroon ng ganito kakonti.”

Tiyak na ang ganitong pagkagutom ay lumago lamang sa isang mundo na ngayon ay binabaha ng mga uso sa social media at sa isang pindot lang ay kaya nang “kumonekta” sa iba! Siyempre, bawat panahon ay naiiba ang pagpapahayag ng kanilang pangangailangan sa Diyos. Pero ngayon, kahit marami tayong koneksyon sa mas maraming tao, tila lalong nawawala ang lalim at yaman ng relasyon na talagang kailangan natin—lalo na sa isa na nagdisenyo sa atin para sa Kanya.

Bagong Puso, Bagong Pagmamahal

Hindi kailangan ng masyadong malalim na pagsuri sa kasaysayan ng tao, o kahit sa ating sariling buhay, para makita na ang ating mga puso ay may sakit at wasak, nangangailangan ng higit pa sa kahit anong kayang ialok ng mundo. Pero ang magandang balita ay ang Diyos ay nasa negosyong nagpapalit ng puso, nag-aalok ng bagong buhay sa Kanyang bayan. Pero paano Niya ito ginagawa?

Una sa lahat, pinaliwanag Niya ang ating mga isipan sa katotohanan ng Ebanghelyo (2 Corinto 4:4–6). Hindi na natin kailangang magsikap at magtrabaho para lang tanggapin ng Diyos, dahil sa pamamagitan ni Cristo, may katuwiran na ipinapataw sa atin sa pamamagitan ng pananampalataya sa Kanya (Roma 3:22). Pinalaya din ng Diyos ang ating mga puso mula sa pagkaalipin sa kasalanan. Nililinis Niya ang ating mga maling pagmamahal, at binibigyan Niya tayo ng motibasyon at kakayahan upang mamuhay sa liwanag ng Kanyang salita, upang matuklasan na ang Kanyang kautusan, sa pamamagitan ni Cristo, ay isang landas tungo sa kalayaan at kagalakan at hindi isang paghihigpit.

Sa madaling salita, kumikilos ang Diyos upang mahalin natin ang mga bagay na mahalaga sa Kanya. Lahat ng ito ay nagmumula sa banal na operasyon sa puso, kung saan tinutupad ng Makapangyarihan ang Kanyang pangakong “aalisin ang pusong bato sa inyong laman at bibigyan kayo ng pusong laman” (Ezekiel 36:26).

Banal na Gutom

Ayon sa awit ni Maria, sa isang akto ng banal na kabalintunaan, habang pinupuno ng Diyos ang “nagugutom ng mabubuting bagay, … ang mayayaman ay pinaalis niyang walang dala” (Lucas 1:53). Ang mga walang kamalayang pangangailangan, ang mga kuntento at nagmamatigas na nagsasabing, “Hindi ako nagugutom,” ay pinapaalis ng Diyos. Pero sa lahat ng umaamin sa kanilang pangangailangan, sa lahat ng nakakaramdam ng kanilang gutom, sinabi ni Jesus, “Ako ang tinapay ng buhay; ang lumalapit sa akin ay hindi na magugutom, at ang sumasampalataya sa akin ay hindi na mauuhaw” (Juan 6:35).

Ang panahon ng Pasko ay nagbibigay sa atin ng magandang pagkakataon upang pagnilayan ang pagkakatawang-tao at ang “mabuting balita ng dakilang kagalakan” (Lucas 2:10) na nagpapakita ng kahanga-hangang biyaya ng Diyos sa atin. Pero hangga’t hindi natin natutuklasan kung saan dapat matagpuan ng ating mga kaluluwa ang kanilang tunay na katapusan—kay Jesu-Cristo na ating Panginoon—ang mga dekorasyon, cookies, at regalo ay pansamantala at kulang ang maitutulong sa atin.

Nakakapagtaka, pero napakadaling makaligtaan ang Liwanag ng Mundo sa gitna ng mga ilaw at dekorasyon ng panahon. Kaya ang Pasko ang perpektong oras para muli nating sabihin, “Jesus, Ikaw lang ang makakapuno ng puso ko. Gusto ko na Ikaw ang magpunan nito para sa akin. Higit sa lahat—higit sa mga regalo, higit sa mga puno, higit sa pagkain, higit sa mga kaibigan at pamilya, higit sa mga alaala—nais ko ang Iyong kagalakan na punuin ako at palakasin ako.” Hilingin mo ito sa pananampalataya, at tiyak na gagawin Niya ito.

Ang artikulong ito ay inangkop mula sa sermon na “Anybody Hungry?” ni Alistair Begg.
This article was translated by Domini Primero of DBTG and was originally written by Alistair Begg for Truth For Life. To read the original version, click https://blog.truthforlife.org/why-christmas-leaves-us-wanting-more

Alistair Begg

Alistair Begg

Alistair Begg is the senior pastor of Parkside Church in Cleveland, Ohio, the Bible teacher at “Truth For Life,” and the author of Brave by Faith: God-Sized Confidence in a Post-Christian World. He is married to Susan, and together they have three grown children and five grandchildren.
Alistair Begg

Alistair Begg

Alistair Begg is the senior pastor of Parkside Church in Cleveland, Ohio, the Bible teacher at “Truth For Life,” and the author of Brave by Faith: God-Sized Confidence in a Post-Christian World. He is married to Susan, and together they have three grown children and five grandchildren.

Related Posts