“Alalahanin mo na si Jesucristo ay mula sa angkan ni David, na ibinangon mula sa mga patay ayon sa aking ebanghelyo.”
2 Timothy 2: 8 (Ang Salita ng Diyos)
Binanggit ni Pablo ang dalawang partikular na paraan para maalala si Jesus: Alalahanin siya na nagbangon mula sa mga patay. At alalahanin siya bilang anak ni David. Bakit ang dalawang bagay na ito tungkol kay Jesus?
Dahil kung siya ay nagbangon mula sa mga patay, siya ay buhay at matagumpay na dinaig ang kamatayan — pati na ang ating kamatayan! “Ngunit kung ang Espiritu na nagbangon kay Jesus mula sa mga patay ay nananahan sa inyo, siya na nagbangon kay Cristo mula sa mga patay ay magbibigay din ng buhay sa inyong mga katawang may kamatayan. Gagawin niya ito sa pamamagitan ng kaniyang Espiritu na nananahan sa inyo.” (Romans 8: 11, Ang Salita ng Diyos)
Ibig sabihin, gaano man kabigat ang pagdurusa, ang pinakamasamang magagawa nito sa mundong ito ay patayin ka. At inalis ni Jesus ang sakit ng kamatayan na iyon mula sa kaaway. Siya ay buhay. At ikaw ay buhay. “At huwag kayong mangatakot sa mga nagsisipatay ng katawan, datapuwa’t hindi nangakakapatay sa kaluluwa:” (Matthew 10: 28, Ang Dating Biblia, 1905)
Ngunit higit pa riyan, ang muling pagkabuhay ni Hesus ay hindi nagkataong pagkabuhay na mag-uli. Ito ay ang muling pagkabuhay ng anak ni David. “Alalahanin mo na si Jesucristo ay mula sa angkan ni David, na ibinangon mula sa mga patay.” Bakit sinabi ni Pablo ito?
Dahil alam ng bawat Hudyo kung ano kahulugan niyon. Ibig sabihin si Jesus ang Messiah (John 7: 42). At ang pagkabuhay mag-uli na ito ay pagkabuhay mag-uli ng walang hanggang Hari. Pakinggan ang mga salita ng anghel kay Maria, ina ni Jesus:
“Narito, ikaw ay magdadalang-tao at manganganak ng isang lalaki. At ang ipapangalan mo sa kaniya ay Jesus. Siya ay magiging dakila at tatawagin siyang Anak ng Kataas-taasan. Ibibigay sa kaniya ng Panginoong Diyos ang trono ni David na kaniyang ninuno. Siya ay maghahari sa tahanan ni Jacob magpakailanman at ang kaniyang paghahari ay hindi magwawakas.” (Luke 1: 31-33, Ang Salita ng Diyos)
Kaya, alalahanin si Jesus, ang pinaglilingkuran mo, at siyang iyong pinagdurusahan. Hindi lamang siya buhay mula sa mga patay, kundi siya ay buhay bilang Hari na maghahari magpakailanman — ng kanyang kaharian ay hindi magkakaroon ng katapusan. Anuman ang gawin nila sa iyo, hindi mo kailangang matakot. Mabubuhay kang muli. At ikaw ay maghahari kasama niya.
This article was translated by Nitoy Gonzales and was originally written by John Piper of Desiring God. To read the original version, click https://www.desiringgod.org/articles/two-ways-to-remember-jesus