Inalok nila siya ng alak na hinaluan ng mira, ngunit hindi niya ito tinanggap.
Marcos 15:23
Isang gintong katotohanan ang nakapaloob sa pangyayaring itinulak ng Tagapagligtas ang kopa ng alak na may halong mira mula sa Kanyang mga labi. Mula sa kalangitan ay tumayo ang Anak ng Diyos noon, at habang nakatingin Siya pababa sa ating mundo, Kanyang sinukat ang mahabang paglusong hanggang sa pinakamalalim na kalungkutan ng tao. Inisip Niya ang kabuuan ng lahat ng sakit at paghihirap na kinakailangan para sa pagtubos at hindi Siya umurong. Matibay Niyang pinasya na upang maghandog ng sapat na pantubos na sakripisyo, kailangan Niyang tahakin ang buong landas, mula sa pinakamataas na kaluwalhatian hanggang sa krus ng pinakamalalim na dalamhati. Ang kopang may halong mira, na may pampamanhid na epekto, ay pipigil sana sa Kanya na maranasan ang pinakasukdulan ng paghihirap, kaya’t tinanggihan Niya ito.
Hindi Siya titigil sa gitna ng Kanyang piniling pagtiisan para sa Kanyang mga tao. Ilan sa atin ang sumigaw para sa kaaliwan sa ating kalungkutan upang maiwasan ang sakit! Mambabasa, hindi mo ba kailanman ipinagdasal na mawala ang mabigat na tungkulin o pagdurusa na may pabigla-biglang pagnanais? Isang iglap, kinuha ng providensya ang nais ng iyong puso. Sabihin mo, Kristiyano, kung sinabihan ka, “Kung gusto mo, mabubuhay ang iyong minamahal, ngunit mababastos ang Diyos,” kaya mo bang iwasan ang tukso at sabihin, “Mangyari ang kalooban Mo”?
Mabuti na masabi, “Panginoon ko, kung sa ibang mga dahilan ay hindi ko kailangan magtiis, ngunit kung mas makapagbibigay ako ng karangalan sa Iyo sa pamamagitan ng pagdurusa, at kung ang pagkawala ng aking mga materyal na ari-arian ay magdadala sa Iyo ng kaluwalhatian, ayos lang iyon. Tinatanggihan ko ang kaaliwan kung ito’y magiging hadlang sa Iyong karangalan.” Matutunan nating sundan ang yapak ng ating Panginoon, na masiglang nagtataguyod ng pagsubok para sa Kanyang kapakanan, at agad at kusang alisin ang iniisip na sarili at kaaliwan kapag ito’y magiging sagabal sa pagtapos ng gawain na ipinagkaloob Niya sa atin. Kailangan ng malaking biyaya, ngunit malaking biyaya ang ibinibigay.
This article was translated by Domini Primero of DBTG and was originally written by Alistair Begg for Truth For Life. To read the original version, click https://www.truthforlife.org/devotionals/spurgeon/8/18/2024/