Ibinangon sa Panibagong Buhay? Pitong Kahihinatngan ng Pagtanggi sa Pagkabuhay na Mag-uli

share

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

Kailangan ba talaga nating maniwala sa pagkabuhay na mag-uli para magkaroon ng pananampalatayang Kristiyano? Iniisip ng ilang tao na maaari tayong maging ganap na mabubuting Kristiyano nang hindi naniniwala sa pagkabuhay na mag-uli ng mga patay. Maaari tayong magsagawa ng Kristiyanong etika, sabi nila, at sikaping mahalin ang ating kapwa tulad ni Cristo. Ngunit sa kanilang isipan, ang muling pagkabuhay ay isang idinagdag lamang na maaari natin hindi na lang paniwalaan.

Ang malinaw na sagot sa pahayag na ito ay ang tanging Jesus na karapat-dapat sa ating pananampalataya ay ang Jesus ng Kasulatan, at ang Jesus ng Kasulatan ay isang nabuhay na mag-uli na Jesus. Maaaring magustuhan ng sinuman ang mga bagay na Kristiyano at gawin pa ang mga bagay na Kristiyano, ngunit ang tunay na pagiging Kristiyano ay nangangahulugang naniniwala ka kay Jesus ng Bagong Tipan—ang Jesus na nabuhay sa kasaysayan, ang Jesus na nabuhay mula sa mga patay.

Ang buong Bagong Tipan ay nagsasaad ng katotohanang ito: ang pagkabuhay na mag-uli ay lubos na mahalaga. Alisin ito, at may mga mapaminsalang kahihinatnan. Inilahad ni Pablo ang pito sa mga bungang iyon sa I Corinto 15:12–20.

1. Kung Walang Pagkabuhay na Mag-uli, Patay si Jesus

Sinimulan ni Pablo ang kanyang mensahe sa I Corinto 15:12 sa pamamagitan ng pagtalakay sa mga taong tumatanggi sa posibilidad ng pagkabuhay na mag-uli ng katawan. Maaaring naniwala sila sa kawalang-kamatayan ng kaluluwa. Pero ang katawan? Hindi nila pinapaniwalaan!

Ngunit sumagot si Pablo sa pagsasabing ang pagtanggi sa pagkabuhay na mag-uli ng katawan ay pagtanggi sa pagkabuhay na mag-uli ng Isa na ginagawang posible ang anumang pagkabuhay na mag-uli. Dinadala lang tayo ni Pablo sa lohikal na ugnayan na ito: kung walang muling pagkabuhay sa katawan, kung gayon “Kung totoo iyan, lilitaw na hindi muling binuhay si Cristo” (v. 13, Magandang Balita Biblia). Ang pangunahing implikasyon na ito ay nagtatakda ng anim na iba pa na inilista ni Pablo.

2. Kung Walang Pagkabuhay na Mag-uli, Walang Kabuluhan ang Pangangaral

Kung hindi nabuhay na mag-uli si Jesus, sabi ni Pablo, ang pangangaral ay walang kabuluhan at lubos na walang silbi. Hindi niya tinutukoy dito ang gawain na pangangaral. Hindi niya tinutukoy ang maganda o pangit na sermon. Bagkus, sinasabi niya na ang nilalaman mismo ng Ebanghelyo ay mawawalan ng kapangyarihan. Ang katotohanan ay, kung aalisin mo ang muling pagkabuhay, kung gayon ang mga apostol o ang mga nasa dalawampu’t isang siglong mangangaral ay walang anumang makabuluhang sasabihin.

Binanggit ni Pablo sa unang bahagi ng sulat niya na ang Ebanghelyo ay “Sa mga Judio siya ay katitisuran, sa mga Griyego siya ay kamangmangan.” (1 Cor 1:23, Ang Salita ng Diyos). Gayunpaman, ginagamit ng Diyos ang tila hangal na mensaheng iyon upang iligtas ang Kanyang mga pinili at bigyan sila ng bagong buhay. Sa mga taong soberanyong tinawag ng Diyos, ang mensahe ay “kapangyarihan” at “karunungan” (v. 24, Ang Salita ng Diyos). Gayunman, kung walang pagkabuhay na mag-uli, ang mensahe ay nananatiling isang alamat lamang, na walang anumang kapangyarihan nagmumula sa Diyos.

3. Kung Walang Pagkabuhay na Mag-uli, Walang Silbi ang Pananampalataya

Kung si Cristo ay hindi nabuhay na mag-uli, kung gayon ang pangangaral ng Ebanghelyo ay walang kabuluhan, at dahil dito, ang ating pananampalataya ay walang silbi (1 Cor 15:14). Kung ang Ebanghelyo ay huwad, gayon din ang pananampalataya na nakasalalay dito.

Pansinin kung paano inilarawan ni Pablo ang Ebanghelyo sa mga naunang talata sa kabanatang ito:

Sapagkat ibinigay ko sa inyo bilang pinakamahalaga sa lahat ang tinanggap ko rin: na si Cristo’y namatay dahil sa ating mga kasalanan, tulad ng sinasabi sa Kasulatan; inilibing siya at muling nabuhay sa ikatlong araw, tulad din ng sinasabi sa Kasulatan;. (mga talata 3–4,  Magandang Balita Biblia)

Iginigiit ng ilang tao na ang mahalaga sa mga panahong ito ay magkaroon tayo ng pananampalataya, at ang ibig nilang sabihin sa pananampalataya ay isang uri ng pangkalahatang kasiyahan—magandang damdamin, magandang pakiramdam. Ang problema sa konsepto na ito ng pananampalataya ay ang pananampalataya ay nangangailangan ng isang bagay na masasaligan. Kailangan nating manampalataya sa isang bagay.

Ang pananampalataya sa Bibliya ay pagtitiwala sa inihayag na katotohanan. Ito ay nakasalalay sa isang objective na katotohanan. Tulad ng sinabi ni Luther na nagsulat tungkol sa Kasulatan, “Hindi tanda ng isang Kristiyanong isipan na hindi magalak sa mga masigasig na pagaanalisa …. At sa pamamagitan ng mga pagaanalisa —hindi tayo malilinlang sa mga salita—ang ibig kong sabihin ay patuloy na pagsunod, pagtibay, pagtatapat, pagkumpisal, pagpapanatili, at may gabay na pagtitiyaga.”  Kailangan nating magtiwala sa katotohanan ni Jesucristo na ipinako sa krus at nabuhay na mag-uli. Ang ibig sabihin ng pananampalataya kay Cristo ay tapat tayo sa Kanya bilang ang namatay at bumangon. Ang anumang mas mababa kaysa dito ay nagpapababaw sa tinutukoy ng Bagong Tipan bilang pananampalatayang Kristiyano.

4. Kung Walang Pagkabuhay na Mag-uli, Tayo ay Mga Sinungaling 

Kung walang pagkabuhay na mag-uli, ang mga apostol at lahat ng sumusunod sa kanila ay mga bulaang saksi: “Kung ganoon, lilitaw na kami’y mga sinungaling na saksi ng Diyos dahil pinatotohanan namin na muling binuhay ng Diyos si Cristo ngunit hindi naman pala, kung talagang walang muling pagkabuhay ng mga patay. ang muli si Cristo, na hindi niya binuhay kung totoong hindi nabuhay na mag uli ang mga patay” (1 Cor 15:15, Mabuting Balita Biblia).

Ang nais sabihin ni Pablo ay, “Kung walang pagkabuhay na mag-uli, kung gayon si Jesus ay hindi nabuhay na mag-uli. At kung si Jesus ay hindi nabuhay na mag uli, si Pedro na nasa mga lansangan ng Jerusalem ay nagkakalat ng kasinungalingan. At gayon din ako sa Atenas nang nadatngan ko ang kanilang dakilang kulturang maraming paniniwalang tinatanggap, at nakita ko ang mga diyus-diyusan sa inyong di-kilalang diyos, at sinabi ko sa kanila, ‘Makinig!: Nagbigay ang Diyos ng katibayan ng sinasabi ko sa inyo sa pamamagitan ng pagbangon kay Jesus mula sa mga patay.’ Kung wala ang muling pagkabuhay, lahat tayo ay namumusong sa Diyos.” (Tingnan sa Mga Gawa 2:24; 17:31.)

Pansinin na noong unang ipangaral ng mga apostol ang pagkabuhay na mag-uli, wala silang gaanong nakuha batay sa perspectibo ng tao. Hindi sila nagiging popular. Hindi sila kumikita. Sa halip, sila ay hinahabol, binubugbog, hinuli, itinuring na walang kwenta, ikinulong, at sa huli ay pinapatay. Ano ang naghikayat sa kanila na magpatuloy? Ito ang kanilang buong pusong paniniwala sa mga salitang ito: “Dati, tayo’y mga kaaway ng Diyos, ngunit tinanggap na niya tayo bilang mga kaibigan sa pamamagitan ng pagkamatay ng kanyang Anak. At dahil dito, tiyak na maliligtas tayo sapagkat si Cristo ay buháy” (Roma 5:10, Mabuting Balita Biblia).

Gayunman, hindi agad nangyari ang ganoong paniniwala. Pagkatapos ng pagkamatay ni Cristo sa Kalbaryo, ang paniniwala ng mga apostol ay talagang patay na si Jesus. Noong una, hindi rin sila naniniwala sa pagkabuhay na mag-uli ni Kristo. Nang bumalik ang mga babae mula sa libingang walang laman at sinabing, “Wala na siya rito sapagkat siya’y muling nabuhay gaya ng kanyang sinabi. Halikayo’t tingnan ninyo ang hinimlayan niya (tingnan sa Mat. 28:6, Mabuting Balita Biblia), ang tugon ng mga lalaking ito, batay sa kanilang pinaniniwalaan, ay talagang, “Kayo ay mga nasisiraan ng isip!” (tingnan sa Lucas 24:11). Hindi sila nagsimula ng may paniniwalang Siya ay buhay; nagsimula sila ng may paniniwala na Siya ay patay na. Kaya paano maiipaliwanag na kabaliktaran ng kanilang paniniwala ang pinangaral nila sa mga lansangan?

Ano pa ang mas mainam na paliwanag natin dito kundi: Totoong walang laman ang libingan. Si Jesucristo ay nabuhay na mag-uli.

5. Kung Walang Pagkabuhay na Mag-uli, Nananatili Tayo sa Ating mga Kasalanan

Gayunman, para sa kapakanan ng argumento, ipinaaalala sa atin ni Pablo na kung walang pagkabuhay na mag-uli, “kayo’y nananatili pa sa inyong mga kasalanan” (1 Cor. 15:17, Mabuting Balita Biblia). Sa madaling salita, lahat ng masasamang bagay na alam natin sa mundong ito—lahat ng ating makasalanang kaisipan, lahat ng ating pagrerebelde, lahat ng ating pandaraya, lahat ng ating pagkaarogante, lahat ng ating walang kabuluhang pagtatangka na maging matuwid sa sarili—ay nakadikit pa rin sa atin, at walang paraan para malinis.

Bukod kay Cristo, hindi tayo basta-basta walang direksyon o naligaw ng landas. Hindi, ang sa atin ay mas malalim na kalagayan: tayo ay nasa ating mga kasalanan, at hindi tayo makalaya. At ang higit pa, palalim ng palalim natin inililibing ang ating sarili araw-araw. Sinabi ni Pablo na bago si Cristo, “Noong una’y patay kayo dahil sa inyong mga pagsuway at mga kasalanan” (Efe. 2:1–2, idinagdag ang diin, Mabuting Balita Biblia). Kung walang pagkabuhay na mag-uli, nakakulong na walang pag-asa, at wala tayong magagawa para palayain ang ating sarili.

6. Kung Walang Pagkabuhay na Mag-uli, ang mga Patay ay Walang Pag-Asa Magpakailanman 

Bukod pa rito, kung walang pagkabuhay na mag-uli, hindi lamang tayo patay sa ating mga kasalanan ngayon, kundi nakatadhana tayong mamatay nang walang pag-asa. (Tingnan sa 1 Corinto 15:18.) Sa maraming libing, maririnig mo ang mga salitang ito ni Jesus: “Ako ang muling pagkabuhay at ang buhay. Ang sinumang sumasampalataya sa akin, kahit mamatay ay muling mabubuhay; 26 at sinumang nabubuhay at sumasampalataya sa akin ay hindi mamamatay kailanman…” (Juan 11:25–26, Mabuting Balita Biblia). Kung walang muling pagkabuhay, ang mga salitang ito ay walang iba kundi isang masalimuot na kasinungalingan.

Kung walang muling pagkabuhay, ang kamatayan ay hindi pagkatulog at pagkagising upang makita ang ngiti sa mukha ni Jesus. (Tingnan sa Mga Awit 17:15; 2 Corito. 5:8.) Kung walang pagkabuhay na mag-uli, ang kamatayan ay isang matinding pagpapatunay ng ating pagkaligaw. Kung walang pagkabuhay na mag-uli, ang kamatayan ay nangangahulugan ng katapusan. Kung aalisin mo ang pagkabuhay na mag-uli, ang buong buhay natin—ang ating nakaraan, kasalukuyan, at hinaharap—ay walang kabuluhan.

7. Kung Walang Pagkabuhay na Mag-uli, Tayo ay Dapat Lubhang Kaawaan

Sa huli, kung walang pagkabuhay na mag-uli, at kung si Cristo mismo ay hindi nabuhay na mag-uli, kung gayon “tayo na ang pinakakawawa sa lahat ng tao.” (1 Corinto 15:19, Mabuting Balita Biblia). Kung naniwala tayo sa hinaharap kahit wala naman talagang hinaharap, pinalipas na nating  ang mga araw sa kawalang-kabuluhan. Kung wala nang pag-asa sa hinaharap, walang kabuluhan ang kasalukuyan,  ang kahapon ay patay na, at ang bukas wala tayong makikita. Sa huli, wala na tayong mapupuntahan mula rito. Iyon ay hukay lang. Iyon ay pagkasira. Kapag patay ka na, wala ka na, kaya ang anumang “pag-asa” natin sa buhay na ito ay gawa-gawa lamang para ihele tayo hanggang sa mapahamak tayo sa kawalan.

Ang Pundasyon para sa Kagalakan

Ang pitong bungang ito ay dapat na ikagimbal natin. Tunay ngang kakila-kilabot ang lubos na kawalan ng pag-asa! Ngunit dapat nating basahin ang I Corinto 15:20, na nagpapakita ng simple ngunit kamangha-mangha at mahalagang katotohanan: buhay si Jesucristo!

Kung paniniwalaan natin ang pagkabuhay na mag-uli,  lahat ng pitong ito ay agad na mabubuwal. Nabawi natin ang pag-asa. Kung si Cristo ay nabuhay na mag-uli, kung gayon ikaw, bilang mananampalataya, ay babangon balang araw kasama Niya. Ang kahanga-hangang katotohanang iyon ay nagdudulot ng layunin sa inyong buhay—kahapon, ngayon, at bukas. Kung si Cristo ay nabuhay na mag-uli—at purihin ang Diyos dahil ito’y totoo!—kung gayon mayroon kang matatag at di-natitinag na pag-asa sa Kanya, at mayroon ka, sa lahat ng tao, ng pinakasiguradong pundasyon para sa walang hanggang kagalakan.

This article was translated by Nitoy Gonzales and was originally written by Alistair Begg for Truth For Life. To read the original version, click https://blog.truthforlife.org/seven-consequences-of-denying-the-resurrection

Alistair Begg

Alistair Begg

Alistair Begg is the senior pastor of Parkside Church in Cleveland, Ohio, the Bible teacher at “Truth For Life,” and the author of Brave by Faith: God-Sized Confidence in a Post-Christian World. He is married to Susan, and together they have three grown children and five grandchildren.
Alistair Begg

Alistair Begg

Alistair Begg is the senior pastor of Parkside Church in Cleveland, Ohio, the Bible teacher at “Truth For Life,” and the author of Brave by Faith: God-Sized Confidence in a Post-Christian World. He is married to Susan, and together they have three grown children and five grandchildren.

Related Posts

Alistair Begg

Tinatapos ng Diyos Ang Kanyang Sinimulan

“Natitiyak kong ang mabuting gawang pinasimulan sa inyo ng Diyos ay kanyang lulubusin hanggang sa Araw ni Jesu-Cristo.” Filipos 1:6 (Magandang Balita Biblia) Kapag may

John MacArthur

Pastor: Priyoridad ba ang Iyong Kabanalan?

Ano ang Dulot ng Pragmatismo Nababawasan ang interes sa kabanalan at ang pagiging maka Diyos sa henerasyong ito ng mga nakababatang pastor dahil sa pragmatismo.

Jeff Chavez

How Should God’s Providence Affect Our Lives?

John Piper, in his book “Providence”, concluded (pp.694-711) by providing ten examples of the effects that knowing and loving God’s providence –the all-embracing, all-pervasive, invincible,