Iiwan Mo Ba Ang Lahat Para Sumunod kay Jesus?

share

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

Kung magsasagawa tayo ng isang survey na may nag-iisang tanong, “Ano ang ibig sabihin ng pagsunod kay Jesucristo?” makakatanggap tayo ng iba’t ibang tugon. Ang ilan ay magsasabi na ang pagsunod kay Jesus ay nangangahulugan ng pagiging relihiyoso, ang iba naman ay nangangahulugan ng pag-chuchuch, at ang iba pa ay nangangahulugan ito ng pag-aaral ng itinuro ni Jesus, pagtupad sa mga aral ng Sermon on the Mount, o pagmamahal sa iyong kapwa. Ngunit habang ang lahat ng mga sagot na ito ay nakakakuha ng bahagi ng buong katotohanan, kapag pinagsama natin lahat ay hindi magbibigay ng kumpletong sagot.

Ang simpleng pagdaragdag ng ilang mabubuting gawa at gawi sa isang buhay na hindi nagbabago ay hindi ibig sabihin ng pagsunod kay Jesus. Ang pakikipagharap sa Diyos kay Kristo ay hindi basta-basta; ito ay nakakapagpabago ng buhay. Hinihiwalay nito ang mga tumutugon nang may pananampalataya mula sa mga patuloy na mag-iisip kay Jesus bilang isa lamang tinig na pakikinggan—o hindi pakikinggan—na angkop sa kanila. Ang pagsunod kay Hesukristo ay nangangahulugan ng pagbabago ng buong pananaw at nang buong buhay ng isang tao.

Ano ang ibig sabihin ng pagsunod kay Jesucristo? Para sa mga unang disipulo, nangangahulugan ito na nang tawagin sila ni Jesus, “…iniwan nila ang lahat ” (Lucas 5:11, Magandang Balita Biblia). Sa Lucas 5:1–11, makikita natin ang larawan ng gayong tagpo nang marinig ni Simon Pedro at ng kanyang mga kasama na nangangaral si Jesus sa tabi ng lawa.

Ang Salita ng Diyos

“Minsan, habang nakatayo si Jesus sa tabi ng Lawa ng Genesaret, nagsiksikan ang napakaraming tao sa paglapit sa kanya upang makinig ng salita ng Diyos. May nakita siyang dalawang bangka sa baybayin; nililinisan ng mga mangingisda ang kanilang mga lambat at wala sila sa kanilang mga bangka. Sumakay siya sa isa sa mga ito na pag-aari ni Simon. Hiniling niya rito na ilayo nang kaunti ang bangka mula sa baybayin. Naupo siya sa bangka at nangaral sa mga tao.” (Lucas 5:1-3, Magandang Balita Biblia)

Ang makaharap ang Diyos ay nagpabago sa buhay ni Simon Pedro at ng kanyang mga kasama sa tabi ng lawa—at ang tagpong iyon ay nagsimula sa pangangaral ng Salita ng Diyos. Sa gitna ng pangangaral ni Jesus noong mga unang araw na iyon, sinasabi sa atin ng Ebanghelyo ni Marcos, ang mensaheng ito: ” Sinabi niya, “Dumating na ang takdang panahon. Malapit nang maghari ang Diyos! Kaya magsisi na kayo’t talikuran ang inyong mga kasalanan. Paniwalaan ninyo ang Magandang Balita!” (Marcos 1:15 ,Magandang Balita Biblia). 

Ang mundo ay puno ng masamang balita. Puno ito ng mga kuwento ng kalamidad, trahedya, krimen, at kalupitan. Ito ay puno ng kasamaan—at ang kasamaang iyon ay nagsisimula sa puso ng tao. Kung tapat tayo, hindi natin masasabi na sumusunod tayo sa sarili nating mga pamantayan, mas lalo na sa mga pamantayan ng Diyos. Hindi natin lubos na iniibig ang Diyos o ang isa’t isa. Hindi tayo laging nagsasalita ng totoo. Hindi naman sa lahat ng oras ay nakukontrol natin ang init ng ulo natin. Hindi sa lahat ng oras ay malinis ang ating kaisipan. Hindi tayo namumuhay ayon sa nais ng Diyos, kaya tayo ay hiwalay sa Kanya. May pagkiling tayo sa lahat ng aspeto ng ating buhay, ang ating mga buhay ay lumalayo sa Diyos at laging nakatuon sa ating mga sarili. Tinatawag ng Bibliya ito na kasalanan, at sinasabi nito na ang bawat tao, nang walang pagtatangi, ay makasalanan (Roma 3:23).

Dahil makasalanan tayo at walang hindi nagkasala, hindi natin kailangan ang isang “tagapagligtas” na darating at magdadagdag para makumpleto at maging lubos ang atin kaligayahan. Hindi dumating si Hesukristo at sinabing, Kung susundin mo Ako, bibigyan kita ng isang madaling buhay, at makukuha mong lahat ng pera na kailangan mo, at ang iyong mga problema ay mawawala. Hindi, “Si Cristo Jesus ay dumating sa sanlibutan upang iligtas ang mga makasalanan.” (I Timoteo 1:15, Magandang Balita Biblia) mula sa kapangyarihan ng kasalanan na humihiwalay sa kanila sa Diyos at upang maibalik ang ating relasyon sa Kanya. Ang kaligtasang ito na dinala Niya sa atin at dumarating hindi lamang sa pamamagitan ng pananampalataya o pagsisisi kundi sa pamamagitan ng magkasamang pagsisisi at pananampalataya.

“Magsisi”

 “Pagkatapos niyang mangaral, sinabi niya kay Simon, “Pumalaot kayo at ihulog ang mga lambat upang manghuli.”  Sumagot si Simon, “Guro, magdamag po kaming nagpagod ngunit wala kaming nahuli! Ngunit dahil sa sinabi ninyo, ihuhulog ko ang mga lambat.” Ganoon nga ang ginawa nila, at nakahuli sila ng maraming isda, kaya’t halos mapunit ang kanilang mga lambat. Kinawayan nila ang kanilang mga kasamahang nasa kabilang bangka upang magpatulong. Lumapit naman ang mga ito at napuno nila ang dalawang bangka, anupa’t halos lumubog ang mga ito.” (Lucas 5: 4-7, Magandang Balita Biblia).

Nang utusan ni Jesus si Pedro na ibaba ang kanyang mga lambat, sinunod niya ang mga tagubilin na ibinigay ng Panginoon. Maaari mong isipin bilang isa siyang mangingisda, siya ay paisip, Ito ay isang kabaliwan. Wala na akong nahuli, at ngayon ay sinabi Niyang bumalik na naman? Lumipas na ang oras ng pangingisda. Ano ang posibilidad na may mahuli ngayon?

Ngunit itinuturo ni Jesus kay Pedro ang isang mahalagang aral: kapag lumalakad tayo sa Kristiyanong buhay, lalakad tayo”…sa pamamagitan ng pananampalataya, hindi sa pamamagitan ng paningin” (2 Corinto 5:7, Ang Dating Biblia, 1905). Nais ni Jesus na mapagtanto ni Pedro na magkakaroon ng bagong dimensyon sa kanyang buhay kung susundin niya Siya. Si Pedro ay nabubuhay ngayon batay sa pahayag na ito: Panginoon, anuman ang Inyong sabihin, gagawin ko, sapagkat nagtitiwala ako sa Inyo. Iyan ang ibig sabihin ng pagsunod kay Jesucristo.

Hindi ito isang kuwento tungkol sa isda, at tiyak na hindi ito isang kuwento tungkol sa makalupang tagumpay. Si Pedro, sa katunayan, ay nagpatuloy at iwan ang mga isda sa bangka. Iniwan pa niya ang bangka mismo! Hindi, ito ay isang kuwento tungkol kay Jesus na Siya’y mapapagkatiwalaan. Kapag hiniling ni Jesus na magsisi ka at talikuran ang dati mong buhay para sa Kanya, maaaring mukhang napakasobra  naman ang kanyang hinihiling. Maaaring mukhang katawa-tawa ito. Ngunit ang Kanyang mapilit na salita ay dumarating sa ating mga puso: Isuko ang inyong maliliit na ambisyon. Gawin mo ang sinasabi Ko sa iyo. Kung sinasabi mong sinusundan mo Ako, kung gayon magtiwala ka sa Akin, at sumunod sa Akin.

Itinuro ni Jesus na dapat tayong magsisi. Nagsisisi tayo kapag tumalikod tayo sa ating kasalanan at haharap sa Panginoong Hesukristo sa pagsunod. Binili Niya ang ating kapatawaran sa krus sa pamamagitan ng Kanyang dugo, at ginawa Niya ito upang tayo’y “…makalalakad sa panibagong buhay.” (Roma 6:4, Ang Dating Biblia, 1905). Sa gayon ay lumalakad tayo sa pananampalataya at pagsisisi nang, sa kapangyarihan ni Cristo, patuloy tayong tumanggi sa kasalanan at magpatuloy sa Diyos (Tito 2:11–12). Nais ng Diyos na dalhin tayo sa punto kung saan masasabi natin kasama si Pedro, Dahil sinasabi Ninyo ito, gagawin ko ito. At tulad ni Pedro, gagawin Niya ito sa pamamagitan ng pagbibigay sa atin ng tamang ideya kung sino Siya.

“Sumampalataya sa Mabuting Balita”

“Nang makita iyon ni Simon Pedro, siya’y lumuhod sa harap ni Jesus at sinabi, “Lumayo kayo sa akin, Panginoon, sapagkat ako’y isang makasalanan.” Nanggilalas siya at ang kanyang mga kasama dahil sa dami ng kanilang huli, gayundin sina Santiago at Juan na mga anak ni Zebedeo at mga kasosyo ni Simon. Sinabi ni Jesus kay Simon, “Huwag kang matakot. Mula ngayo’y mga tao na, sa halip na mga isda, ang iyong huhulihin.” (Lucas 5:8-10, Magandang Balita Biblia).

Kung bubuksan mo ang iyong Biblia at basahin ito mula sa Lumang Tipan hanggang sa Bagong Tipan, makikita mo na kapag ipinakita ng Diyos ang Kanyang kaluwalhatian, sa isang indibidwal o sa isang grupo ng mga tao, ang kanilang tugon ay hindi agad gawin ang ilang sinaunang katumbas ng pag-post sa social media at sabihin sa lahat ang nangyari. Sa halip, madalas silang tumugon sa pamamagitan ng mapagpakumbabang pagkumpisal ng kanilang pagiging makasalanan sa harap ng Diyos. Gaya ni Pedro, gaya ni Daniel (Dan. 10:4–9 ), gaya ni Isaias (Isaias 6:1–5), gaya ni Pablo (Gawa 9:3–5), ang mga lalaki at babaeng nakaharap ang buhay na Diyos ay agad na kinikilala kung gaano sila makasalanan at hindi karapat-dapat at kung gaano kadakila ang Diyos.

Nang makita ni Pedro ang kanyang pagiging hindi karapat-dapat, nakita rin niya ang kaluwalhatian ng kanyang Panginoon. Kailangan natin madala rin tayo ng Diyos sa parehong pagkakataong iyon.

Nang makita ni Pedro ang kanyang pagiging hindi karapat-dapat, nakita rin niya ang kaluwalhatian ng kanyang Panginoon. Kailangan natin madala rin tayo ng Diyos sa parehong pagkakataong iyon. Ang ating paglalakad kasama ang Diyos ay laging mababawasan hanggang hindi natin nalalaman kung ano ang ibig sabihin ng yumuko sa harap Niya sa katahimikan ng ating sariling tahanan at sabihing, Panginoon, banal ka, at ako ay isang makasalanang tao. Dakila ang Iyong kagandahang-loob, na sa halip na tumalikod sa akin, pinatawan Mo  ako at inilapit mo ako sa Iyo! Ang dahilan kung bakit hindi alam ng ilan sa atin kung ano ang ibig sabihin ng pagsunod kay Jesus ay dahil hindi pa natin hinaharap ang ating sarili sa kung ano talaga tayo at nagpakumbaba sa Kanyang harapan tulad ni Pedro.

Sinabi ni Jesus na dapat tayong maniwala sa Ebanghelyo, ang Kanyang Mabuting Balita. At kapag ginawa natin ito, itatalaga Niya tayo sa mga layuning ginawa Niya sa atin—na sundin at luwalhatiin Siya ng buo nating pagkatao.

“Humayo Ka sa Mundo”

Sinabi ni Jesus kay Simon, “Huwag kang matakot. Mula ngayo’y mga tao na, sa halip na mga isda, ang iyong huhulihin.” (Lucas 5:8-10, Magandang Balita Biblia).

Tulad ng pangangaral ni Jesus, “Magsisi at sumampalataya sa ebanghelyo,” gayon din si Pedro ay mangangaral sa iba upang malaman din nila ang buhay kay Cristo. (Tingnan ang halimbawa, sa Mga Gawa 2:14–41). At tulad ni Jesus na naglaan ng malaking huli ng isda, itatayo rin Niya ang Kanyang iglesya sa pamamagitan ng pagtuturo ni Pedro at ng mga apostol. Ang pagsunod kay Jesus ay nangangahulugan ng pakikibahagi sa gawain ng pagdadala ng Mabuting Balita sa mga tao na kailangang makarinig nito at pagtitiwala sa Kanya upang magbunga ang salitang iyon.

Hindi sapat na malaman natin ang Mabuting Balita tungkol kay Jesucristo. Ito ay isang mensahe para sa buong mundo!

Ito mismo ang larawan makikita natin sa salaysay ng Dakilang Komisyon sa Mateo 28:18–20. Pagkatapos bumangon si Jesus mula sa pagkamatay at bago Siya umakyat sa kanan ng Ama, sinabi Niya sa Kanyang mga alagad, ” Ang lahat ng kapamahalaan sa langit at sa ibabaw ng lupa ay naibigay na sa akin” (Ang Dating Biblia, 1905). Siya ay may kapamahalaan hindi lamang upang malaman kung saan ang magandang pangingisdaan, ngunit Siya ay may awtoridad sa lahat ng bagay! Kaya magtiwala tayo sa Kanya kapag inutusan Niya tayo, “Dahil dito magsiyaon nga kayo, at gawin ninyong mga alagad ang lahat ng mga bansa, na sila’y inyong bautismuhan sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo: Na ituro ninyo sa kanila na kanilang ganapin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo:” Hindi sapat na malaman natin ang Mabuting Balita tungkol kay Jesucristo. Ito ay isang mensahe para sa buong mundo!

Si Pedro at ang kanyang mga kasama ay tinawag sa isang natatanging gawain bilang mga apostol ni Jesucristo, ngunit ang bawat mananampalataya noon at ngayon ay isang saksi sa kakapagpabagong kapangyarihan ng Ebanghelyo. Ang patotoo ng ating binagong buhay ay sumusuporta sa patotoo ng ating mga salita. Para sa mga nakaharap ang Diyos, nagsisi, at sumampalataya, si Jesucristo ay naging pangunahing katotohanan ng buhay. Kaya sasabihin nila kasama ni apostol Pablo, ” Hindi ko ikinakahiya ang Magandang Balita tungkol kay Cristo, dahil ito ang kapangyarihan ng Dios sa ikaliligtas ng lahat ng sumasampalataya” (Roma 1:16, Ang Salita ng Dios, Tagalog Contemporary Bible).

“Sumunod Kayo Sa Akin”

“Nang maitabi na nila ang mga bangka sa pampang, iniwan nila ang lahat at sumunod kay Jesus.” (Lucas 5:11, Magandang Balita Biblia)

Sinabi ni Jesus na may dalawang daan: isang maluwang na daan “papunta sa kapahamakan” at isang makipot na daan “papunta sa buhay” (Mat. 7:13–14, Magandang Balita Biblia). Marami ngayon ang naghahangad na gumawa ng isang gitnang daan na may lahat ng anyo ng pagiging daan ni Jesus, ngunit ito ay isang daan na hindi kailanman inaalok ni Jesus. Gusto nila ng “bagong buhay” na walang bagong pamumuhay. Ang mga ito ay tulad ng isang tao na nais ang lahat ng mga benepisyo ng pag-aasawa ngunit hindi inaako ang alinman sa mga responsibilidad o hamon. Ngunit walang asawang lalaki ang kuntento sa bahagyang pagmamahal ng kanyang asawa. Walang manager ang kuntento sa bahagyang commitment ng kanyang mga empleyado. Walang coach na kuntento sa bahagyang pagdalo sa pag-eensayo. Maaari bang ang Panginoon ng Kaluwalhatian, na namatay para sa atin, ay kontento sa ating bahagyang commitment na lumakad sa Kanyang daan?

Si Pedro at ang kanyang mga kasama ay “iniwan nila ang lahat at sumunod kay Jesus.” Ngunit isinalaysay sa Marcos 10:17–22 ang kuwento ng isa pang lalaking naharap sa gayon ding pagpili. Tinanong niya si Jesus, “Mabuting Guro, ano ang gagawin ko upang ako’y magmana ng buhay na walang hanggan (Ang Dating Biblia, 1905)?” Siya ay isang tao na maingat na sumunod sa kautusan ng Diyos, ngunit nakita ni Jesus na may isang bagay sa kanyang puso na siya ay nagmataas sa Diyos. At sinabi niya, “Isang bagay ang kulang sa iyo: yumaon ka, ipagbili mo ang lahat mong tinatangkilik, at ibigay mo sa dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit: at pumarito ka, sumunod ka sa akin.” Ito ay labis para sa binata: ” Nang marinig ito ng lalaki, siya’y nanlumo at malungkot na umalis sapagkat siya’y lubhang napakayaman (Magandang Balita Biblia).” Gusto niyang sumunod sa Diyos, ngunit mas mahal niya ang kanyang kayamanan, at hindi niya ito kayang bitawan.

Marami ngayon ang naghahangad na gumawa ng isang gitnang daan na may lahat ng anyo ng pagiging daan ni Jesus, ngunit ito ay isang daan na hindi kailanman inaalok ni Jesus.

Maraming ang gustong magsabi na sinusunod nila ang Diyos, subalit hindi sila nagsisisi, hindi sila sumusunod, at hindi sila nagtitiwala sa Kanya. Sinasabi nila na sinusunod nila ang Diyos, ngunit hindi, dahil kumapit pa rin sila sa mga lakad ng mundo. Kagaya ng binatang mayaman, sila ay umiiwas sa kung ano ang hinihingi ng Diyos sa kanila. Ngunit ang pagkukumpronta ng Diyos at ng Kanyang Ebanghelyo ay nangangailangan ng desisyon. Hindi tayo natatanggay papunta sa pananampalataya. Hindi natin ito hinuhuli sa hangin. Hindi, ang Diyos ay nangungusap sa atin sa ating mga puso at hinaharap tayo sa pangangailangang “magsisi at manampalataya”—at ginagawa natin ito.

Nang makita ni Pedro na umalis na ang binata, sinabi niya kay Jesus, “Tingnan po ninyo, iniwan na namin ang lahat at kami’y sumunod sa inyo (Magandang Balita Biblia).” Bilang tugon, binigyan siya ni Jesus ng isang pangako na totoo para sa lahat na iiwan ang lahat at susunod sa Kanya: “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Walang taong nagiwan ng bahay, o mga kapatid na lalake, o mga kapatid na babae, o ina, o ama, o mga anak, o mga lupa, dahil sa akin, at dahil sa evangelio, Na hindi siya tatanggap ng tigisang daan ngayon sa panahong ito, ng mga bahay, at mga kapatid na lalake, at mga kapatid na babae, at mga ina, at mga anak, at mga lupa, kalakip ng mga paguusig; at sa sanglibutang darating ay ng walang hanggang buhay( Ang Dating Biblia, 1905)” (Marcos 10:28–30).

Si Jesus ay hindi gumagawa ng mga walang kabuluhang pangako. Wala ibang lugar na mas ligtas at wala lugar na may mas malaking gantimpala kaysa sa pagsunod sa Kanyang mga yapak, gaano man kabigat ito. At dahil sa pangakong ito ay dapat nating sagutin ang panawagan: “Halika, sumunod ka sa akin.”This article was translated by Nitoy Gonzales and was originally written by Alistair Begg for Truth For Life. To read the original version, click https://blog.truthforlife.org/would-you-leave-everything-to-follow-jesus

Alistair Begg

Alistair Begg

Alistair Begg is the senior pastor of Parkside Church in Cleveland, Ohio, the Bible teacher at “Truth For Life,” and the author of Brave by Faith: God-Sized Confidence in a Post-Christian World. He is married to Susan, and together they have three grown children and five grandchildren.
Alistair Begg

Alistair Begg

Alistair Begg is the senior pastor of Parkside Church in Cleveland, Ohio, the Bible teacher at “Truth For Life,” and the author of Brave by Faith: God-Sized Confidence in a Post-Christian World. He is married to Susan, and together they have three grown children and five grandchildren.

Related Posts

John Piper

Ang Mapagbigay ay Nakatatanggap ng Biyaya

Ito ang dahilan kung bakit lagi namin kayong ipinapanalangin. Dalangin namin na tulungan sana kayo ng Dios na mamuhay nang karapat-dapat bilang mga tinawag niya.