Para sa mga church na sineseryoso ang Bibliya, ang doktrina ay maaaring mapanganib. Kung pinahahalagahan at itinuturo ang theology, ang panganib ay hindi kalabuan, kompromiso, o hindi angkop na pakikipagfellowship; kundi ang kabaliktaran nito. Kapag nagsimulang seryosohin ng mga tao ang doktrina (na dapat naman), maaari rin silang maging matigas at labis sa pagiging demanding sa iba—at kung minsan ay maging sa kanilang sarili. Sa madaling salita, nanganganib nating gawing mahalaga kung ano ang talagang hindi pinapahalagaan sa Biblia.
Mahalaga Ang Doktrina
Dapat nating sabihin nang malinaw na kahit mapanganib ang pagiging sobrang mahigpit sa doktrina, ang kawalang pakialam sa doktrina ay isang pagkakamali. Malinaw na sinabi ni Pablo kay Tito na ang isang elder sa simbahan ni Cristo ay “Kailangang matatag siyang nananalig sa mga tunay na aral na natutunan niya, upang ito’y maituro naman niya sa iba at maipakita ang kamalian ng mga sumasalungat dito.” (Tito 1:9, Magandang Balita Biblia). Ang malusog at biblikal na doktrina ay nararapat na lumaganap sa isang lokal na church at sa mga namumuno nito. Gayundin, inutusan ni Pablo si Timoteo na ang doktrinang itinuturo sa mga simbahan ay dapat “sa mga tunay na salita ng Panginoong Jesu-Cristo at sa mga aral tungkol sa pagiging maka-Diyos,” (I Tim. 6:3, Magandang Balita Biblia). Oo, mahalaga ang doktrina!
Ang iglesia ay walang awtoridad na nagmumula sa kanyang sarili; bagkus, ang iglesia ay nasa ilalim ng awtoridad ng Kasulatan, at nararapat lamang hayaan ang Bibliya sa pagtukoy kung ano-ano ang esensiyal sa Ebanghelyo.
Kalakip nito, mahalaga na panindigan natin na ang Kasulatan lamang ang ganap, final, at nag iisang awtoridad. Ang iglesia ay walang awtoridad na nagmumula sa kanyang sarili; bagkus, ang iglesia ay nasa ilalim ng awtoridad ng Kasulatan, at nararapat lamang hayaan ang Bibliya sa pagtukoy kung ano-ano ang esensiyal sa Ebanghelyo. Kahit ang isang theologian na kasinghigpit sa doktrina tulad ni John Calvin ay naniniwala sa pag-ibig sa kapwa-tao kaysa sa mga di-pinapahalagaan. Sa pagkomento sa Filipos 3:15, sabi niya,
Hindi ba ito sapat na nagpapahiwatig na ang pagkakaiba ng opinyon sa mga bagay na ito na hindi dapat maging batayan ng pagkakabaha bahagi ng mga Kristiyano? Una at pinakamahalaga, dapat tayong magkasundo sa lahat ng mga punto. Ngunit yamang ang lahat ng tao ay medyo nababalot ng kamangmangan, alinman sa wala dapat tayong iglesiang natitirang nakatayo, o dapat nating pahintulutan ang delusyon sa mga bagay na iyon na maaaring hindi alam nang hindi nakakapinsala sa kabuuan ng relihiyon at walang pagkawala ng kaligtasan.
Maaaring lahat tayo ay tama tungkol sa ilang mga bagay, ngunit wala sa atin ang tama tungkol sa lahat. Kung gayon, ang mga hindi esensiyal ay hindi dapat maging dahilan para sa pagkakahati.
Limang Hindi Esensiyal sa Pananampalataya
Kapag sinabi natin na ang isang bagay ay hindi esensiyal, hindi natin sinasabi na ito ay walang kabuluhan o hindi talaga mahalaga. Ang pinagtitibay natin ay ang ilang bagay, o isang partikular na pananaw sa ilang bagay, ay hindi kinakailangan sa kaligtasan. Ang listahan ng gayong mga bagay ay maaaring walang katapusan, ngunit pag-usapan natin ang limang di-esensiyal na bagay (hango sa What Is An Evangelical? ni Martin Lloyd-Jones) na regular na makikita sa ilan nating mga church.
- Ang Pagpili ng Diyos at Pagtatalaga ng Isang Tao sa Kaligtasan (Election and Predestination)
Ang ganap na soberanya ng Diyos sa kaligtasan ng Kanyang pinili ay isang mahalagang katotohanan na, kapag naunawaan nang wasto, ay nagwawaksi sa ating kapalaluan at siya namang nagiging dahilan upang tayo ay maging mas maawain sa iba. Gayunman, ang mga doktrina ng biyaya ay maaaring mag-udyok ng pagtatalo, kapwa sa kung paano natin ito pinag-uusapan at kung paano ito tinatanggap ng iba.
Hindi ang aking kaalaman tungkol sa dakila at mahiwagang mga layunin ng pagpili ng Diyos ang batayan ng aking kaligtasan, kundi ang mismong biyaya ng Diyos na kumikilos sa aking buhay—maipahayag ko man ito o hindi.
Ang pangunahing issue para sa atin ay hindi tayo naliligtas dahil sa ating pagkaunawa sa nakapagliligtas na biyaya; bagkus, inililigtas tayo ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang biyaya. Hindi ang aking kaalaman tungkol sa dakila at mahiwagang mga layunin ng pagpili ng Diyos ang batayan ng aking kaligtasan, kundi ang mismong biyaya ng Diyos na kumikilos sa aking buhay—maipahayag ko man ito o hindi.
- Pagbabautismo
Ang paraan at edad para sa bautismo ay dapat ding ituring na isang di-esensiyal. Ang ordinansa mismo ng bautismo ay mahalaga sa buhay ng bawat lokal na church, ngunit ang partikular na paraan kung paano ito isinasagawa ay hindi halos kasinghalaga ng pagsasagawa nito.
Ang bawat pastor at bawat iglesia ay dapat panatilihin ang matibay na paniniwala kung paano at kailan nito isasagawa ang sakramentong ito na tinalaga mismo ni Cristo. Gayunman, ang mga paniniwala ng isang tao sa bautismo ay hindi sapat na dahilan para hindi maka-fellowship ang mga taong hindi sa natin sumasang-ayon.
- Uri ng Pamamahala ng Simbahan (Church Polity)
Ang istraktura ng pamumuno sa isang iglesia ay isa pang hindi esensiyal. Ang mga tao ay may matibay na pananaw sa pamamahala, ngunit hindi ito maaaring maging batayan para sa fellowship o ibukod ang sarili mula sa pakikipag-fellowship.
Ang isang church ay talagang dapat magkaroon ng mga pinunong katulad ni Cristo at may kakayahang magtagumpay. Ngunit kung paano pinipili ng mga lider na iyon at ng kanilang kongregasyon na istruktura ang kanilang polity (pamamahala) ay hindi mahalaga sa pagkakaroon ng isang maunlad na ministeryo ng Ebanghelyo.
- Doktrina Tungkol sa Mga Huling Araw (Eschatology)
Ang tanong kung kailan babalik si Jesus—lalo na kung darating Siya bago ang milenyo (pre-millenium) o pagkatapos ng milenyo (post-millenium) o sa kalagitnaan ng milenyo (mid-millenium)—ay dapat ding ituring na hindi mahalaga. Hindi rin man tayo sumasangayon kung literal nga na milenyo!
Pinipili ng ilan na mahigpit na panghawakan ang kanilang eschatology, at sa praktikal, ginagawa nilang tanda ng tunay na Kristiyano (orthodoxy) ang kanilang posisyon—isang pangunahing bahagi ng pananampalataya. Maaari tayong magkaroon ng mga makasaysayang dahilan para sa pagkapit sa isang posisyon sa doktrina ng mga huling araw habang dinidistansya ang ating sarili mula sa isa pa. Ngunit ang mahalaga dito ay kapag sinabi ni Jesus, “Ang nagpapatotoo sa mga bagay na ito ay nagsasabi, “Oo, ako’y malapit nang dumating.” Amen. Pumarito ka Panginoong Jesus!” (Apocalipsis 22:20, Ang Biblia, 2001).
- Mga Espirituwal na Kaloob (Spiritual Gifts)
Ang paggamit at paglalapat ng mga espirituwal na kaloob ngayon ay isang paksa na madalas na inilalagay ng mga evangelical na Kristiyano sa sentro ng kanilang buhay sa iglesia, na ginagawa itong isang tanda ng pagiging totoong Kristiyano. Oo, may mga pang aabuso sa mga kaloob na ito na nangyayari, at dapat nating punahin ang malinaw na maling paggamit tulad ng mga nakikita natin.
Kung ang ating pagkakaisa ay nasa Ebanghelyo ng Panginoong Jesucristo, hindi natin kailangang maging obligado na ipagpilitan sa mga tao ang ating sariling mga pinapaniwalaan.
Gayunman, ang posibilidad lamang ng kawalang-pakundangan o kapabayaan sa magkabilang panig ay hindi nangangailangan na ihiwalay natin ang ating sarili sa mga taong may ibang posisyon kaysa sa atin sa mga espirituwal na kaloob. Kung ang ating pagkakaisa ay nasa Ebanghelyo ng Panginoong Jesucristo, hindi natin kailangang maging obligado na ipagpilitan sa mga tao ang ating sariling mga pinapaniwalaan.
Ang Mga Pangunahing Bagay
Sa mga bagay na hindi esensiyal, matuto tayong mag-agree na mag-disagree pero huwag disagreeable, at tinitiyak na wala sa mga isyung ito ang nag-aagaw sa atin ng tunay na kagalakan na nasa atin sa Ebanghelyo. Ang mga bagay na iyon na pundasyon ng pagiging isang church ng Ebanghelyo ay nagdadala sa atin sa pakikisama sa mga tao mula sa lahat ng lugar at pinagmulan. Dapat nating asahan at ipagdiwang pa ang maluwalhating katotohanang iyan.
Para sa mga malulusog na Kristiyano at mga simbahan, ang mga pangunahing bagay ay ang mga payak na bagay, at ang mga payak na bagay ay ang mga pangunahing bagay. Ang tunay na mga kapatid kay Cristo ay maaaring kumilos nang naiiba sa atin at magkaiba ng pananaw sa atin sa maraming hindi esensiyal bagay. Subalit ito ay isang dahilan hindi para sa di pagkakaisa kundi para sa kagalakan sa iba’t ibang parte ng katawan ni Cristo, na ang mga tunay na sangkap nito ay nagkakaisa magpakailanman sa Ebanghelyo ng ating Panginoong Jesus.
This article was translated by Nitoy Gonzales and was originally written by Alistair Begg for Truth For Life. To read the original version, click https://blog.truthforlife.org/five-nonessentials-of-the-christian-faith