Gusto ninyong ituwid ang mga sinasabi ko, dahil para sa inyo, ang aking sinasabi bilang desperadong tao ay walang kabuluhan. (JOB 6:26)
Sa kalungkutan at sakit at kawalan ng pag-asa, madalas nasasabi ng mga tao ang mga bagay na hindi nila sasabihin sa ibang pagkakataon. Binibigyan nila ng mas madidilim na kulay ang katotohanan kumpara sa mga kulay na gagamitin nila kapag sumikat na ang araw kinabukasan. Umaawit sila sa mga tonong malungkot, at nagsasalita na parang iyon lang ang tanging musika. Mga ulap lang ang kanilang nakikita, at nagsasalita sila na parang wala nang langit.
Sinasabi nila, “Nasaan ang Diyos?” O kaya: “Wala nang saysay ang smagpatuloy pa.” O: “Wala nang kabuluhan ang lahat.” O: “Wala nang pag-asa para sa akin.” O: “Kung mabuti ang Diyos, hindi sana nangyari ito.”
Ano ang dapat nating gawin sa mga salitang ito?
Ayon kay Job, hindi natin kailangang ituwid sila. Ang mga salitang ito ay para lamang sa hangin, o sa literal na “para sa hangin.” Mabilis lang silang maglalaho. Darating ang pagbabago sa mga pangyayari, at ang taong nawawalan ng pag-asa ay magigising mula sa madilim na gabi, at pagsisisihan ang mga padalus-dalos na salita.
Kaya naman, ang punto ay huwag nating ubusin ang ating oras at lakas sa pagtutuwid ng mga ganitong salita. Kusa silang mawawala sa pag-ihip ng hangin. Hindi na kailangan pang putulin ang mga dahon sa taglagas. Sayang lang ang pagsisikap. Kusa rin silang mahuhulog sa kalaunan.
Oh, gaano kabilis tayong tumutugon sa pagtatanggol sa Diyos, o kung minsan sa katotohanan, mula sa mga salitang para lamang sa hangin. Kung mayroon tayong tamang pag-unawa, makikilala natin ang pagkakaiba sa pagitan ng mga salitang may lalim at mga salitang tinatangay lang ng hangin.
May mga salitang may ugat sa malalim na kamalian at kasamaan. Ngunit hindi lahat ng malamlam na salita ay nagmumula sa itim na puso. Ang iba ay pangunahing nababalot ng sakit, ng kawalan ng pag-asa. Ang iyong naririnig ay hindi ang pinakamalalim na bagay sa loob nila. Mayroong totoong at madilim na bagay sa loob kung saan sila nagmula. Ngunit ito ay pansamantala lamang — tulad ng isang dumaraang impeksyon — totoo, masakit, ngunit hindi ang tunay na pagkatao.
Kaya, matuto tayong kilalanin kung ang mga salitang binibigkas laban sa atin, o laban sa Diyos, o laban sa katotohanan, ay para lamang sa hangin — sinasabi hindi mula sa kaluluwa, kundi mula sa sakit. Kung ito ay para sa hangin, maghintay tayo nang tahimik at huwag magtuwid. Ang pagpapanumbalik ng kaluluwa, hindi ang pagtutuwid sa sakit, ang layunin ng ating pagmamahal.
This article was translated by Fatima Abello and Joshene Bersales, and was originally written by John Piper of Desiring God. To read the original version, click https://www.desiringgod.org/articles/words-for-the-wind