“Turuan mo ang ating mga kapatid sa pananampalataya na ilaan ang kanilang sarili sa paggawa ng mabuti upang makatulong sila sa mga nangangailangan, at maging kapaki-pakinabang.” Tito 3: 14 (Ang Mabuting Balita Biblia)
Hindi ka narito nang nagkataon lamang kundi ito’y sa pagpili ng Diyos. Hindi mo naimbento ang iyong sarili, ni wala kang bahagi sa iyong sariling paglikha. Masusing kang binuo sa sinapupunan (Mga Awit 139:13). Hinubog ka ng kamay ng Diyos upang maging sino ka; Nilikha Niya ikaw sa eksaktong sandali na Kanyang ninanais, at inilagay Niya ka sa puntong ito ng kasaysayan upang ikaw, kay Cristo, sa pamamagitan ng biyaya, sa pamamagitan ng pananampalataya, ay makagawa ng mabubuting gawa—mabubuting gawa na inilaan Niya para gawin mo (Mga Taga Efeso 2:10).
Sa madaling salita, nakatanggap ka ng umaapaw na biyaya upang makagawa ka ng mabuti.
Bagama’t ang konsepto ng “paggawa ng mabuti” ay maaaring hindi ang unang naisip natin kapag kinukunsidera natin ang epekto sa ating sarili ng nakakapagpabagong biyaya ng Diyos, halos una ito sa listahan ni apostol Pablo. Sa kanyang liham kay Tito, isinulat niya na ang Diyos, na si Jesus, ay “naghandog ng kanyang sarili upang palayain tayo sa lahat ng kasamaan at linisin tayo upang maging kanyang sariling bayan na masigasig sa paggawa ng mabuti.” ( Tito 2:14, idinagdag ang pagbibigay-diin). Ang pagbibigay-diin na ito ay lumilitaw nang ilang beses sa buong liham, na nagtatapos sa pangwakas na panghihikayat ni Pablo: “Turuan mo ang ating mga kapatid sa pananampalataya na ilaan ang kanilang sarili sa paggawa ng mabuti.”
Ang kasigasigan sa paggawa ng mabuti ni Pablo ay taliwas sa gawi ng mga tao sa panahon niya at pati na rin sa atin sa kasalukuyan. Nabubuhay tayo sa isang mundong puno ng mga pang-aakit na mamuhay nang makasarili. Kaya, papaano ngayon natin tutularan si Pablo at maging mahusay sa paggawa ng mabuti?
Una, dapat malinaw sa atin na ang naisin nating mabuting gawa ay hindi upang makuha ang pabor ng Diyos. Hindi tayo gumagawa ng mabuti para maligtas kundi dahil naligtas na tayo. Kung wala ang biyaya bilang pundasyon nito, ang panawagan na mamuhay nang marangal ay purong panlabas lamang at papagurin tayo nito o kaya’y gagawin tayong mapagmataas. Pangalawa, kailangan nating tandaan na ang paghahangad natin sa mabubuting gawa ay nagdudulot ng kasiyahan sa Diyos; nabubuhay tayo “hindi upang bigyang-kasiyahan ang tao, kundi ang Diyos na sumisiyasat ng ating puso.” (I Tesalonica 2:4, Ang Mabuting Balita Biblia). Kaya, dapat tayong makitaan ng nagpapadakila sa Diyos at nagtataas kay Cristo na kabutihan bilang buhay na patotoo sa ating dakilang kaligtasan.
Ang kakayahan din nating gumawa ng mabuti ay, ayon kay Pablo, isang pag-uugali na natutuhan. Tinawag tayong “ilaan” ang ating sarili sa kabutihan. Ang ating mga kilos ay hindi dapat bunga lamang ng biglaang udyok ng emosyon o dumaraan lamang. Sa halip, dapat magsikap tayo araw-araw na gawin ang gawain ng kaharian ng langit na inilaan ng Diyos sa atin, at gawin ito ng may pagkukusa at palagian . At dapat nating tingnan ang mga taong mas may karanasan sa pananampalataya kaysa sa atin, na namumuhay ayon sa ganoong pamamaraan at maghangad na matuto mula sa kanila.
Kay Cristo, ang lahat ng iyong mga araw at lahat ng iyong mga gawa ay maaaring maging mabuti para sa isang tao at para sa isang bagay. Matutong simulan ang bawat araw na humihingi ng tulong sa Kanya na gumawa ng mabuti sa iba bilang tugon sa Kanyang biyaya sa iyo, na nagtitiwala na bibigyan ka Niya ng katibayan ng inyong mga pinaniniwalaan sa inyong mga kilos.
This article was translated by Nitoy Gonzales and was originally written by Alistair Begg for Truth For Life. To read the original version, click https://truthforlife.org/devotionals/alistair-begg/10/12/2022/