Oo, dapat kang manalangin na ikaw ay yumaman. Pero anong klaseng kayamanan?

share

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

Balang araw, magiging sobrang yaman tayo—ikaw at ako.

Iyan ay dahil may mana tayong naghihintay sa atin. Sa Efeso 1:14, sinabi ni Pablo na ang Banal na Espiritu na nananahan sa mga tao ng Diyos ay “ang garantiya ng ating mana hanggang makuha natin ito.” Ang mana natin ay atin na, pero hindi pa natin lubos na hawak. May mas marami pang naghihintay sa atin, at masisiyahan tayo rito kapag pumasok na tayo sa kaluwalhatian. Para makinabang ka sa isang mana, kailangan may mamatay. Karaniwan, kamatayan ito ng ibang tao. Dito, kamatayan mo ito.

Kaya nananalangin si Pablo na ikaw at ako ay malaman kung ano ang balang araw ay magiging atin at mararanasan: na ang mga mata ng ating puso ay maliwanagan upang “malaman… kung ano ang mga kayamanan ng kanyang maluwalhating mana sa mga banal” (v. 18).

Ang pag-uusap tungkol sa kayamanan ng kaluwalhatian ng Diyos Ama, Anak, at Espiritu ay talagang mahalaga sa iyong buhay, sa iyong trabaho, sa iyong mga relasyon—sa lahat ng bagay sa iyo.

Ang ganitong uri ng panalangin ay malinaw na karaniwang ginagawa ni Pablo. Nananalangin din siya sa katulad na paraan para sa iglesia sa Colosas na sila ay “palakasin ng buong kapangyarihan, ayon sa maluwalhating kapangyarihan ng Diyos, para sa lahat ng pagtitiis at pagtitiyaga na may kagalakan; na nagpapasalamat sa Ama, na nagbigay sa inyo ng karapatang makibahagi sa mana ng mga banal sa kaliwanagan” (Colosas 1:11–12). At ang pagbibigay-diin na ito ay hindi lamang matatagpuan sa mga sulat ni Pablo kundi sa buong Bibliya. Hinikayat din ni Pedro ang kanyang mga mambabasa sa parehong paraan:

Pinahintulutan tayo ng Diyos na muling ipanganak sa isang buhay na pag-asa sa pamamagitan ng pagkabuhay na muli ni Jesu-Cristo mula sa mga patay. Ito ay tungo sa isang mana na hindi masisira, hindi nadudungisan, at hindi kumukupas, na iniingatan sa langit para sa inyo. Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos, kayo ay iniingatan sa pamamagitan ng pananampalataya para sa kaligtasang nakahandang ihayag sa huling panahon. (1 Pedro 1:3–5)

Ang iyong mana ay hindi kumukupas, sabi ni Pedro. Hinding-hindi ito mawawala o magdudulot ng pagkabigo. Ito ay mananatili doon eksakto ayon sa plano ng Diyos, handang pasukin sa araw na ikaw ay dalhin ng Diyos, na nagpoprotekta sa iyo sa iyong paglalakbay, patungo sa destinasyong iyon.

Nakakamit Natin ang Diyos

Ano ang napakaganda tungkol sa manang ito? Bakit ito napakaganda na kaya nitong magbigay sa atin ng kagalakan at pagtitiis sa paglalakbay patungo rito, kahit na “tayo ay nagdalamhati sa iba’t ibang pagsubok” (1 Pedro 1:6)? Ang sagot ay dahil ang mana ay napakakaluwalhati, ang mga kayamanan ay napakakislap, dahil ang mana ay ang Diyos mismo. Nakikibahagi tayo sa tinatawag ni Pablo na “ang mga kayamanan ng kanyang kaluwalhatian” (Efeso 3:16).

Ano ang kaluwalhatian ng Diyos? Ang kaluwalhatian ng Diyos ay ang kabuuan at esensya ng lahat ng ipinahayag Niya sa atin tungkol sa Kanyang sarili, na ang ating limitadong isipan ay maaaring masulyapan at na balang araw ay lubos na mauunawaan ng ating perpektong isipan.

Halimbawa, ang kaluwalhatian ng Diyos ay ang Kanyang kapangyarihan, ang Kanyang pagiging umiiral sa sarili, ang Kanyang kadakilaan, ang Kanyang katarungan, ang Kanyang katotohanan, ang Kanyang katuwiran, ang Kanyang kabanalan, ang Kanyang kadalisayan… Maaari pa tayong magpatuloy. Ito ang kaganapan na nakikita natin na ipinamalas sa katauhan ni Jesus—ang Salita, na naging tao at nanahan sa atin upang masabi natin, “Nakita namin ang kanyang kaluwalhatian, kaluwalhatian bilang bugtong na Anak mula sa Ama, puspos ng biyaya at katotohanan” (Juan 1:14).

At balang araw, ang mga nasa kay Cristo ay makikita ang kaluwalhatiang iyon nang harapan, tinatamasa ito at pinupuri Siya magpakailanman. Siya ang iyong mana.

Ang pinakamalaking regalo ng Diyos sa Kanyang mga tao ay ang Diyos mismo. Ang pinakamalaking kagalakan sa langit ay ang Diyos. Iyan ang mana na patungo ka ngayon. Nananalangin si Pablo na malaman natin ito at masiyahan sa pananaw nito.

Ngayon muli, madali nating maisip, “Parang medyo malayo ito sa pang-araw-araw na buhay. Umaasa ako ng isang bagay na mas praktikal kaysa dito.”

Ah, pero ang pag-uusap tungkol sa kayamanan ng kaluwalhatian ng Diyos Ama, Anak, at Espiritu—ang Kanyang walang katumbas na kadakilaan at karangyaan, ang Kanyang biyaya at katotohanan—ay talagang napakahalaga sa iyong buhay, sa iyong trabaho, sa iyong mga relasyon, sa lahat ng bagay sa iyo. Gaya ng ipinangaral ng batang si C. H. Spurgeon sa kanyang kongregasyon sa London noong 1855:

“**Gusto mo bang mawala ang iyong mga kalungkutan? Gusto mo bang lunurin ang iyong mga alalahanin? Kung gayon, sumisid ka sa pinakamalalim na dagat ng Diyos; mawala ka sa Kanyang kalakihan; at lalabas ka na parang mula sa isang kama ng pahinga, sariwa at puno ng sigla. Wala akong alam na makakapagbigay ng ganitong kaginhawahan sa kaluluwa; na makakapagpakalma ng pag-alon ng kalungkutan at pighati; na makakapagsalita ng kapayapaan sa mga hangin ng pagsubok, gaya ng debotong pagmumuni-muni tungkol sa Diyos.**”[^1]

[^1]: Charles H. Spurgeon, sermon preached in 1855.

Dito tayo dapat magsimula. Pwede kang maghanap ng kahit gaano karaming mga how-to na libro. Pwede mong subukan ang kahit gaano karaming praktikal na solusyon na mahanap mo. Pero kung doon ka magsisimula, nagsisimula ka sa maling dulo.

Sa Diyos tayo unang lumalapit, sa napakalawak na imbakan ng kayamanan ng Kanyang kaluwalhatian, at mula sa kasaganaan ng Kanyang pagkakaloob at sa pag-asa na balang araw ay mamumuhay tayo sa Kanyang ganap at hindi nakukubli na kaluwalhatian, ang iba pang mga bagay ay susunod na lang.

“Sinasabi ni Pablo, nananalangin ako na ikaw ay mapukaw at maging masigla bawat araw dahil sa inaasahang napakagandang mana mo. Pero hindi lang ‘yan.

Ang ating mana ay ang Diyos. At ang mana ng Diyos ay… tayo.”

Nakukuha ng Diyos… Tayo?

Ang mga komentador ng Bibliya ay may iba’t ibang opinyon tungkol sa kahulugan ng “mana” sa Efeso 1:18. Maaari mong basahin ito bilang tungkol sa ating mana—iyon ay, ang Diyos. At maaari mo rin itong basahin na tumutukoy sa manang inihanda ng Diyos para sa Kanyang sarili—tayo. Gayunpaman, ang mga ideyang ito ay dalawang panig ng iisang barya. Hindi sila magkasalungat. May mana ang Diyos sa Kanyang mga tao, at tayo ay may mana sa Kanya.

Kung titingnan natin ang pangalawang panig ng barya, tinutukoy ni Pablo ang katotohanan na ipinangako ng Diyos Ama sa Diyos Anak ang isang mana—at ang manang iyon ay binubuo ng lahat ng nasa kay Cristo, lahat ng naglagak ng kanilang pananampalataya sa Kanya.

Ganito ito sinabi ng propetang si Malakias:

> Nang magkagayo’y ang mga natatakot sa Panginoon ay nagsalitaan sa isa’t isa. Pinakinggan ng Panginoon at dininig, at isang aklat ng alaala ay isinulat sa harap Niya para sa mga natatakot sa Panginoon at gumagalang sa Kanyang pangalan. “Sila’y magiging akin,” sabi ng Panginoon ng mga hukbo, “sa araw na aking gagawin silang aking tanging pag-aari, at kaaawaan ko sila gaya ng pagawa ng isang tao sa kanyang anak na naglilingkod sa kanya.” (Malakias 3:16–17)

At ang salmista, habang tinatawag ang mga tao ng Diyos na “sumigaw ng kagalakan sa Panginoon,” dahil “nararapat ang papuri sa matuwid” (Awit 33:1), ay nagpahayag:

> Mapalad ang bansang ang Diyos ay ang Panginoon, ang bayang Kanyang pinili bilang Kanyang mana! (v. 12)

Narito mo makikita ang larawang ito sa Lumang Tipan ng Diyos na nakikita sa Kanyang mga tao ang isang mana na sa Kanya.

Pag-isipan mo iyan nang sandali. Makakamit natin ang Diyos—na napakaganda; at ang Diyos ay makakamit tayo—na, kung tutuusin, ay kakaiba. Pinili ng Diyos na gugulin ang kawalang-hanggan kasama… ikaw! At ako! Nilayon Niya na masiyahan sa paggugol ng kawalang-hanggan kasama ang napakaraming tinubos, pinatawad, dating makasalanang mga tao.

> Kailangan nating tumingin mula sa ating kasalukuyang mga problema, pagkakamali, pagsisisi, at kalungkutan at tumingin pasulong sa ating hinaharap na mana.

Mananampalataya, sabik na sabik ang Diyos na makita ka. Hindi ka papasok sa langit nang palihim, tahimik, at titiisin ka lang ng Diyos. Tatanggapin ka sa harapang pintuan, may pagdiriwang, at masisiyahan ang Diyos sa iyo habang nasisiyahan ka sa Kanya magpakailanman. Masisiyahan ang Diyos na napapaligiran ng mga tao na parang tropeo ng Kanyang biyaya. At masisiyahan ka sa Kanyang pagtanggap at yakap.

**Tumingin Lampas sa Abot-tanaw ng Ngayon**

Nananalangin si Pablo na malaman natin ito. Kailangan nating ipanalangin ito para sa ating sarili at sa iba. Kailangan nating tumingin mula sa ating mga kasalukuyang problema, pagkakamali, pagsisisi, at kalungkutan at tumingin pasulong sa hinaharap nating mana. Kakailanganin natin ang tulong ng Diyos upang magawa iyon—upang mabuksan ang mga mata ng ating puso at magtuon sa ating hinaharap. Natural na nabubuhay tayo na ang abot-tanaw ay ang ngayon. Hindi tayo tumitingin nang lampas sa ating mga talukap ng mata. At madalas, ang araw na ito ay madilim. At minsan, ang araw na ito ay may kaunting liwanag, ang magagandang bagay sa ating buhay, pero maaari silang mabilis na mawala; at kung iyon lang ang titingnan natin, ang pag-asa ay panandalian, at ang kagalakan ay mailap. Kaya tinuturuan tayo ni Pablo na hilingin sa Diyos na buksan ang mga mata ng ating puso upang makakita nang mas malayo at mas malinaw, tungo sa kayamanan ng ating kawalang-hanggan.

Maaaring magkaroon ng kagalakan kahit sa pinakamahirap na panahon at pag-asa kahit sa pinakamadilim na oras kung ang iyong mga mata ay nakatuon sa iyong hinaharap. Hihilingin mo ba sa Panginoon na hindi lamang tulungan kang makaraos sa buhay kundi buksan din ang mga mata ng iyong puso upang makita ang iyong mana kasama ang Diyos? Hihilingin mo ba sa Panginoon na gawin iyon para sa mga kilala mo na nahihirapan sa buhay na ito? At hihilingin mo ba sa Panginoon na gawin iyon para sa mga kilala mo na nagtatagumpay sa buhay na ito? Hilingin mo sa Diyos na gawing Siya ang iyong pananaw, at ang kanilang pananaw—upang sabihin, awitin, at isabuhay ang dakilang katotohanang ito:

> **Hindi ko hinahangad ang kayamanan, ni ang walang saysay na papuri ng tao;  

> Ikaw ang aking mana, ngayon at magpakailanman.**[^2]

Mas mayaman tayo kaysa sa ating iniisip. At balang araw sa kaluwalhatian, magiging mas mayaman tayo kaysa sa maaari nating isipin. Makakasama natin ang Diyos.

**Ama, nawa’y ang aking pananalangin ay palaging magpakita na ako ay isa sa Iyong mga anak. Ikaw ay isang mapagbigay na Diyos, nagbibigay sa akin ng saganang mga pagpapala. Salamat na ang Iyong pinakamataas na regalo ay ang regalo ng Iyong sarili. Ngunit gaano kadali at kabilis kong nakakalimutan Ka at sa halip ay nagtuon sa makamundo at walang kwentang kayamanan. Sinasabi ng Iyong Salita na kung alam kong magbigay ng mabubuting regalo sa aking mga anak, gaano pa kaya Ikaw na magbibigay sa Iyong mga anak ng lahat ng aming kailangan at higit pa sa aming nararapat (Mateo 7:22; Lucas 11:13). Salamat na ang krus ay nagpapatunay ng katotohanang ito sa akin. Pakitulungan Mo akong isabuhay ang katotohanang iyon ngayon. Sa pangalan ni Cristo, taimtim akong nananalangin. Amen.**

[^2]: Mula sa himno na “Be Thou My Vision.”

This material has been lightly adapted from Pray Big by Alistair Begg, published by The Good Book Company, thegoodbook.com. Used by Truth For Life with permission. Copyright © 2019, The Good Book Company.
This blog was translated by Domini Primero of DBTG and was originally written by Alistair Begg for Truth For Life. To read the original version, click https://blog.truthforlife.org/pray-for-riches-but-what-kind

Alistair Begg

Alistair Begg

Alistair Begg is the senior pastor of Parkside Church in Cleveland, Ohio, the Bible teacher at “Truth For Life,” and the author of Brave by Faith: God-Sized Confidence in a Post-Christian World. He is married to Susan, and together they have three grown children and five grandchildren.
Alistair Begg

Alistair Begg

Alistair Begg is the senior pastor of Parkside Church in Cleveland, Ohio, the Bible teacher at “Truth For Life,” and the author of Brave by Faith: God-Sized Confidence in a Post-Christian World. He is married to Susan, and together they have three grown children and five grandchildren.

Related Posts

John Piper

Ang Mapagbigay ay Nakatatanggap ng Biyaya

Ito ang dahilan kung bakit lagi namin kayong ipinapanalangin. Dalangin namin na tulungan sana kayo ng Dios na mamuhay nang karapat-dapat bilang mga tinawag niya.

Alistair Begg

Pumunta Ka Ulit

At sinabi niya, “Pumunta ka ulit,” pitong beses. 1 Mga Hari 18:43 Ang tagumpay ay sigurado kapag ipinangako ito ng Panginoon. Kahit na nanalangin ka