Maglingkod kayo nang masaya ang kalooban na parang sa Panginoon kayo naglilingkod at hindi sa tao. 8 Sapagkat alam ninyong gagantimpalaan ng Panginoon ang bawat mabuting gawa ninuman, maging siya man ay alipin o malaya. (Efeso 6: 7-8 MBBTAG)
Isaalang-alang ang limang bagay na ito mula sa Efeso 6:7–8 na may kaugnayan sa iyong trabaho.
1) Isang panawagan para sa radikal na pamumuhay na nakasentro sa Panginoon.
Ito ay kamangha-mangha kumpara sa karaniwan nating pamumuhay. Sabi ni Pablo, lahat ng ating gawain ay dapat gawin bilang paglilingkod kay Kristo, hindi sa anumang tao. Gawin ang serbisyo “para sa Panginoon at hindi para sa tao.”
Ibig sabihin, isasaalang-alang natin ang Panginoon sa ating ginagawa sa trabaho. Magtatanong tayo, Bakit gusto ng Panginoon na ito’y gawin? Paano gustong ipagawa ito ng Panginoon? Kailan gusto ng Panginoon na ito’y gawin? Tutulungan ba ako ng Panginoon na gawin ito? Ano ang epekto nito para sa karangalan ng Panginoon? Sa ibang salita, ang pagiging Kristiyano ay nangangahulugan ng radikal na pamumuhay at pagtatrabaho na nakasentro sa Panginoon.
2) Isang panawagan upang maging mabuting tao.
Ang pamumuhay na nakasentro sa Panginoon ay nangangahulugan ng pagiging mabuting tao at paggawa ng mabubuting bagay. Sabi ni Pablo, “Gawin ang mabuti [sa paglilingkod] … anumang mabuti ang ginawa ng sinuman.” Sabi ni Jesus, kapag pinasilaw natin ang ating liwanag, makikita ng mga tao ang ating “mabubuting gawa” at magbibigay sila ng luwalhati sa ating Ama sa langit (Mateo 5:16).
3) Lakas upang magampanan nang maayos ang trabaho kahit sa mga hindi mabait na amo dito sa lupa.
Ang layunin ni Pablo ay bigyan ng kapangyarihan ang mga Kristiyano, na may motibong nakasentro sa Panginoon, upang ipagpatuloy ang paggawa ng mabuti kahit sa mga supervisor na hindi mabait. Paano ka magpapatuloy sa paggawa ng mabuti sa trabaho kung hindi ka pinapansin ng iyong boss o kritikal pa? Ang sagot ni Pablo: itigil ang pag-iisip tungkol sa iyong boss bilang pangunahing supervisor, at simulang magtrabaho para sa Panginoon. Gawin ito sa mismong mga tungkuling ibinigay sa iyo ng iyong boss dito sa lupa.
4) Pampalakas-loob na walang mabuting gawain ang mawawalan ng saysay.
Marahil ang pinakamangha-manghang pangungusap sa lahat ay ito: “Anumang mabuti ang ginawa ng sinuman, tatanggapin niya ito mula sa Panginoon.” Nakakamangha ito. Lahat! “Anumang mabuti ang ginawa ng sinuman.” Bawat maliit na bagay na ginawa mong mabuti ay nakikita, pinahahalagahan, at ginagantimpalaan ng Panginoon.
At babayaran ka Niya para dito. Hindi sa paraang kumita ka ng anuman — na para bang maaari mong utangan Siya. Pagmamay-ari ka Niya, at ang lahat sa sansinukob. Wala Siyang utang sa atin. Ngunit Kanyang malayang pinili na gantimpalaan tayo para sa lahat ng mabubuting bagay na ginawa sa pananampalataya.
5) Pampalakas-loob na ang hindi gaanong mahalagang katayuan sa lupa ay hindi hadlang para sa malaking gantimpala sa langit.
Gagantimpalaan ng Panginoon ang bawat mabuting bagay na ginawa mo — “maging siya ay alipin o malaya.” Maaaring isipin ng iyong supervisor na ikaw ay walang halaga — isang simpleng alipin, ika nga. O baka hindi ka
man lang niya kilala. Hindi mahalaga iyon. Kilala ka ng Panginoon. At sa huli, walang tapat na paglilingkod ang mawawalan ng saysay.
This article was translated by Fatima Abello and Joshene Bersales, and was originally written by John Piper of Desiring God. To read the original version, click https://www.desiringgod.org/articles/how-to-serve-a-bad-boss