Ako ay isang flight attendant sa isang bansang hindi si Hesus ang pinaniniwalaang Panginoon at Tagapagligtas. For almost 3 years now, napakadaming sanctification ang aking pinagdaanan in living out the Gospel here in Riyadh – Saudi Arabia. Hindi madali maging Kristiyano dito. Patuloy kong nilalabanan, gamit ang Salita ng Diyos at through constant communication for accountability sa aking mga kapatid sa pananampalataya, ang kalungkutan at mga pagsubok sa aking pagiging Kristiyano in a Muslim nation. Gayunpaman, dito din lalong tumatatag ang aking pananampalataya kay Hesus. Sa iba’t ibang nasyonalidad na aking nakakasalumuha, sa bawat paglipad at oportunidad na ibahagi ang Mabuting Balita sa aking mga katrabaho na may iba’t ibang relihiyon at paniniwala – mas lalo kong na-appreciate ang Katotohanan ng Banal na Kasulatan. Palagi kong pinanghahawakan, saan man ako mapadpad, ang utos ni Kristo: “Kaya’t habang kayo’y humahayo, gawin ninyong alagad ko ang mga tao sa lahat ng bansa. Bautismuhan ninyo sila sa pangalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo. Turuan ninyo silang sumunod sa lahat ng iniutos ko sa inyo. Tandaan ninyo, ako’y laging kasama ninyo hanggang sa katapusan ng panahon.” Mateo 28:19-20
Mula sa pag-evangelize during flights, travels at layovers, nagkaroon ng pagbabago sa akin in living out the Gospel, kasabay ng pagbabagong naganap sa mundo since Corona Virus began. Sa mahigit pitong buwan na hindi ako makalabas sa Riyadh at makauwi sa pamilya ko simula ng Pandemic, napakadaming mahalagang bagay ang itinuro at patuloy na itinuturo ng Panginoon sa akin. Nabigyan ako ng oras na magpahinga, magnilay-nilay, mag-aral ng theology through online courses at ipasa sa iba pang mga kababaihan ang mga bagay na aking natututunan mula sa Bibliya. Anim na buwan na since God graciously gave me two Bible study groups to lead. Isang physical Bible study kasama ang mga katrabaho kong flight attendants, at isang online Bible study, with my family & very good friends from the Philippines, Singapore, USA and Australia.
This season, mas namulat ako sa kahalagahan ng Church, ng fellowship kasama ang komunidad ng mga mananampalataya. Ang mga simpleng bagay na iniaatas sa atin ng Panginoon, kagaya ng pagdarasal sa mga pangyayari sa mundo, pagsusuri sa Scripture, pakikinig sa mga pinagdadaanang hirap at ginhawa at pag-encourage sa faith ng mga kababaihang aking nakakasama ng mahigit sa tatlong oras linggu-linggo – ito ang mga biyaya na aking labis na ipinagpapasalamat sa Panginoon. Ang karunungan ng pagmamahal sa Panginoong Hesus ay nararapat lamang na aking maibahagi sa iba. In the midst of ministering to others, ako ay natututo din na lumawak ang pagmamahal sa mga tao sa aking paligid.
Nabatid ko din na hindi maaaring kaalaman lamang ang aking ipapasa sa mga tao, dapat ako ay matuto din na gawin ang aking tungkulin ng may pagmamahal. Sa aking sariling kalakasan, hindi ko ‘yon kailanman maaatim. Tanging ang grasya at kapangyarihan ng Banal na Espiritu lamang ang patuloy na mag-eenable sakin na magmahal kagaya ng pagmamahal ni Hesus. Muli, nagagalak akong matutunan ‘to, sapagkat ito naman ang puno’t dulo ng Mabuting Balita ng Panginoon. Ang magmahal ng tapat at naaayon sa Kanyang Salita, ang humingi ng tawad para sa aking mga kasalanan at purihin Siya sa aking buhay sa ano mang bansa, sa ano mang panahon at sitwasyon.