Kaya’t huwag kayong mawawalan ng pananampalataya sa Diyos, sapagkat dakila ang naghihintay na gantimpala para sa inyo. (Mga Hebreo 10:35)
Dapat lagi nating iniisip na mas angat at mataas ang Diyos kumpara sa lahat ng bagay na kayang i-offer ng mundo, kasi kung hindi, matutulad tayo sa iba na mas piniling mahalin ang mundo at mamuhay ayon sa gusto nito.
Kaya subukan mong pagsamahin sa isipan mo ang lahat ng mga bagay na kinahuhumalingan ng mga tao sa mundo at ikumpara mo kung gaanong mas mahalaga at mas nakakahumaling ang Diyos kaysa sa mga ito. Gamitin nating halimbawa ang pera o sex o kapangyarihan at ihalintulad mo ang mga ito sa kamatayan. Walang duda na mawawala ang lahat ng mga ito sa oras ng kamatayan kaya naman kung namumuhay ka para sa mga ito, wala kang mahalagang bagay na nakukuha, at ano man ang natatanggap mo, kalaunan ay mawawala din ito sayo.
Pero ang kayamanan ng Diyos ay di hamak na mas maganda at hindi nawawala. Hindi ito kailanman nawawala maging sa oras ng kamatayan dahil ito ay mas malawak pa kaysa sa kamatayan. Mas higit pa ito sa pera dahil lahat ng kayamanan ay nanggagaling sa Diyos at Siya ay ang ating Ama. At dahil tayo ay ang kanyang tagapagmana, “lahat ng ito’y para sa inyo. At kayo’y para kay Cristo, at si Cristo nama’y para sa Diyos.” (1 Cor 3:22-23).
Mas higit din ito kaysa sa sex. Si Hesus ay hindi kailanman nagkaroon ng pakikipagtalik, at Siya ay ang maituturing na pinaka-nakaranas ng kabuuang pamumuhay ng isang tao. Ang sex ay maituturing na isang anino – isang imahe – ng mas higit na realidad, ng isang relasyon at isang naisin na hindi papantay maski ang pinaka-kanais-nais na sex.
Ang sex ay maituturing na isang anino - isang imahe - ng mas higit na realidad
Ang ating gantimpala mula sa Diyos ay di hamak na nakahihigit kaysa sa kapangyarihan na nakakamit dito sa lupa. Wala nang ibang klase ng kapangyarihan ang makakapantay sa pagiging anak ng Makapangyarihang Diyos. “Hindi ba ninyo alam na hahatulan natin ang mga anghel?” (1 Cor 6:3). “Ang magtatagumpay ay uupong katabi ko sa aking trono, tulad ko na nagtagumpay at nakaupo ngayon katabi ng aking Ama sa kanyang trono.” (Rev 3:21).
At sa gayon ay nagpapatuloy. Sa lahat ng mga bagay na ino-offer ng mundo, Ang Diyos ay mas nakakahigit at mas kanais-nais.
Sa lahat ng mga bagay na ino-offer ng mundo, Ang Diyos ay mas nakakahigit at mas kanais-nais.
Walang pagtatalo sa katotohanang ito: Sa Diyos palagi ang tagumpay- sa lahat ng oras. Ang tanong ay: Siya ba ay mapapasa-atin? Gigising ba tayo isang araw mula sa hindi kanais-nais na mundong ito patungo sa isang lugar na ating makikita, mapapaniwalaan, mapagbubunyi at mamahalin dahil sa tunay na katauhan nito, bagay na may halagang hindi nawawala at walang hanggan?
This audio transcript was translated by Paulo Radomes and was originally written by John Piper. To read the original version, click here.
Paulo Radomes
Paulo serves as an Assistant Pastor in God’s Sanctuary Christian Fellowship in Antipolo. He finished college with a Bachelor's degree in Mass Communication and is currently pursuing his Master's in Divinity. He also has his own blog site, thevirtualberean.wordpress.com