“Natitiyak kong ang mabuting gawang pinasimulan sa inyo ng Diyos ay kanyang lulubusin hanggang sa Araw ni Jesu-Cristo.” Filipos 1:6 (Magandang Balita Biblia)
Kapag may sinumulang gawa ang Diyos, tiyak na tinatapos Niya ito.
Sa Gawa 16, nakilala natin si Lydia, isang matagumpay na babae na may sariling negosyo at magandang bahay sa Filipos. Nagkaroon siya ng interes sa relihiyon—at pagkatapos ay nagbago siya (Mga Gawa 16:14-15). Ano ang nangyari? Nagsimula ang Diyos ng isang gawain. Sa parehong kabanata, nakikita natin ang isang bantay ng bilangguan sa Filipos na natapos sa kanyang panggabing trabaho na binago rin nang husto (v 30-34). Ano ang nangyari? Muli, nagsimula ang Diyos ng isang gawain. Naiisip natin, kung gayon, na nang matukso si Lydia o ang bantay sa bilangguan na sumuko, ang salita ng Diyos sa pamamagitan ng sulat ni Pablo sa taga-Filipos ay naroon upang ipaalala sa kanila: “na ang nagpasimula sa inyo ng mabuting gawa, ay lulubusin hanggang sa araw ni Jesucristo: (Ang Dating Biblia 1905)” Sa madaling salita, hindi mo sinimulan ang gawain mula sa iyo, at hindi mo ito matatapos. Kung nararamdaman mo na hindi mo kayang ituloy, tama ka. Hindi mo kaya. Ngunit ginawa ng Diyos, at kaya Niya, at gagawin Niya.”
Ang Diyos ay may pangmatagalang plano para sa Kanyang pinili: na ang bawat isa sa atin ay makikita at makikibahagi sa kaluwalhatian ng Kanyang Anak. Iyan ang katapusan na Kanyang ginagawa (Roma 8:28-30). Kaya tayo, tulad ni Lydia at ng bantay sa bilangguan, ay may pangangailangan at kakayahan na manatili sa takbuhin ng pananampalataya sa mahabang panahon.
Bagama’t laging nananatiling totoo na maraming kaloob ang ibinibigay sa ating lahat ng Diyos, gayunman ang ating buhay ay tila puno ng kabiguan. Patuloy tayong nagpapadala sa kasalanan. Nahihirapan tayo sa mga pagdududa, at ang mga sitwasyon sa buhay ay nagpapahirap sa atin na magpatuloy sa pananampalataya. Ngunit posible at magpapatuloy tayo sa paglalakbay, dahil ipinapangako sa atin ng Kasulatan na ang ating Diyos ay “nagsimula ng mabuting gawain” at tatapusin Niya ito. Habang natitisod tayo sa daan at nahaharap sa mga paghihirap, natutukso tayong bumalik sa ibaba ng bundok, ipagpalit ang ating hiking boots sa tsinelas, at umuwi na lang sa bahay. Ngunit may tanawin sa itaas na sulit ang bawat kirot at pasakit sa daan! At kaya ang salita ng Diyos ay paulit ulit na dumarating sa atin, na nagsasabi, Tara, lakad pa ulit. Huwag kang mag-alala para sa iyong mga bukas. Ang Diyos mismo ang tumutulong sa inyo. Patuloy ka na maglakad sa daan ngayon.
Tinatapos ng Diyos ang Kanyang sinimulan. At kung ikaw ay nagtitiwala kay Cristo, kung gayon Siya ay nagsimula ng isang bagay na eternal sa iyo. Kapag nadarama mong nanghihina ka sa paglalakbay na naghihintay sa iyo, o kapag ang daan ngayon ay mukhang napakatarik, makakahanap ka ng paghihikayat sa mga salitang ito:
Ang pangalan kong nakasulat sa mga palad ng Kanyang mga kamay
Ay kaylanman ay hindi mabubura;
Nakatatak sa Kanyang puso nananatili ito,
Gamit ang tinta ng hindi napapawing biyaya.
Oo, ako hanggang wakas ay matatag,
Kasingtiyak ng kasigasigan nagbibigay;
Mas maligaya, pero hindi mas tiwasay ,
Ang mga niluwalhating espiritu sa langit. [1]
FOOTNOTES
1 Augustus Toplady, “A Debtor to Mercy Alone” (1771).
This article was translated by Nitoy Gonzales and was originally written by Alistair Begg for Truth For Life. To read the original version, click https://www.truthforlife.org/daily/?date=2/1/2023&tab=alistair_begg_devotional