“Puspusin nawa kayo ng Diyos na siyang bukal ng pag-asa, at nawa ay pagkalooban niya kayo ng kagalakan at kapayapaan sa pamamagitan ng inyong pananampalataya, upang mag-umapaw ang inyong pag-asa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.” (Roma 15:13, MBBTAG)
Tayo ay na sa isang panahon sa kasaysayan kung saan madaling kwestyunin ang pag-asa sa gitna ng mapanganib na mundo. Bagaman sa isang maikling pag-aaral ng mga siglo na nakalipas ay magpapaalala sa atin na ang ating panahon ay hindi ang pinakamalubha, pinakamadilim, pinaka-masamang panahon na naranasan, sa ating limitadong pananaw tayo ay malamang na nababahala, naguguluhan, at nababalisa. Makabubuting basahin natin ang mga salita ni apostol Pablo bilang di-tuwirang panalangin para sa ating pang-araw-araw na buhay: upang bigyan tayo ng Diyos, na Siyang Diyos ng katatagan, ng lakas sa panahon ng takot at kawalang-katiyakan sa pamamagitan ng pagpuno sa atin ng umaapaw na kagalakan at kapayapaan.
Ang Aklat ng Roma, ang pinakadakilang treatise ni Pablo sa teolohiya, ay isinulat para sa ibat-ibang uri ng miyembro ng kongregasyon sa Roma na binubuo ng mga Hudyo at mga Hentil, kalalakihan at kababaihan, at mayaman at mahirap, at sa lahat ng antas ng spiritual maturity. Nang makarating siya sa dulo ng kanyang maluwalhating liham, nais ni Pablo na tawagin sila upang mamuhay nang may tiwala bilang mga taong minarkahan ng isang natatanging at saganang pag-asa.
Nakikita natin ng gayong pag-asa sa pagkilala lamang sa ating Diyos. Siya ang ating Diyos ng pag-asa sa dalawang dahilan.
Una, ang Diyos ang lumilikha ng pag-asa sa atin. Ang Kanyang Salita ay “…nasulat sa ikatututo natin” (Roma 15:4, MBBTAG) upang tayo ay makapag-isip at matuto mula sa Kanyang hindi nagbabagong pagiging mapagkakatiwalaan. Ang pag-asa, pagtitiis, paghihikayat, at kapayapaan ay hindi mga bagay sa labas ng ating sarili; sa halip, sa pagbibigay mismo ng Kanyang sarili sa atin, nananahan sa ating puso sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu, ibinibigay sa atin ng Diyos ang lahat ng bagay na ito, na umaapaw mula sa loob.
Pangalawa, Siya rin ang layunin ng ating pag-asa. Sinabi ni propeta Jeremias, sa gitna ng kanyang personal na kakila-kilabot na kalagayan, “Ang Panginoon ang lahat para sa akin, kaya sa kanya ako nagtitiwala.” (Mga Panaghoy 3:24, ASND). Sumang-ayon ang manunulat ng Awit nang isulat niya bilang tugon sa nakakapanlumo na mga pangyayaring nakapalibot sa kanya: “Ang aking laman at ang aking puso ay nanglulupaypay: Nguni’t ang Dios ay kalakasan ng aking puso, at bahagi ko magpakailanman.” (Awit 73:26, ABTAG1978). Sa madaling salita, hindi mahalaga kung gaano katagal ang paghihirap sa ating buhay; kung nasa atin ang Diyos, Siya ay sa atin para sa kawalang hanggan, at Siya ay sapat na para sa kawalang hanggan.
Ang Diyos na nakikilala natin sa Kasulatan ay ang Diyos ng pag-asa—isang pag-asa na hindi mababaw o panandalian. Ang ating matatag na Tagapagligtas ay sumubok na ng panahon.
Kapag nahaharap ka sa krisis, madali mong natutuklasan kung saan nakalagay ang iyong pag-asa. Kung ang iyong pananampalataya ay nakasalig sa mga pangako ng Diyos, kung gayon ang iyong pag-asa ay nakatayo sa mga pangakong iyon, at hindi ito mabibigo. Ito ay sasagana sa lahat ng pagsubok sa buhay. Hindi mahalaga kung ano ang takot na dadaan sa inyong harapan; malalaman mo nang walang pag-aalinlangan na ang iyong Diyos, na Siyang lumikha sa mundo at nagdala sa iyo mula sa kamatayan tungo sa buhay, ay iningatan at susuportahan ka ng Kanyang kapangyarihan.
Sa Diyos lamang matatagpuan ang tunay na pag-asa. At sa pagbaling sa Kanya, tayo ay napupuno ng lahat ng kagalakan at kapayapaan—ngayon at sa bawat araw, hanggang sa walang-hanggan.
This article was translated by Nitoy Gonzales and was originally written by Alistair Begg for Truth For Life. To read the original version, click https://www.truthforlife.org/daily/?date=1/1/2023&tab=alistair_begg_devotional