“Maliwanag kung gayon, na ang pasya ng Diyos ay nababatay sa kanyang habag, at hindi sa kagustuhan o pagsisikap ng tao.” (Roma 9:16, MBBTAG)
Ating linawin na sa pagsisimula ng taon na ang lahat ng makukuha natin sa Diyos sa taong ito, bilang mga mananampalataya kay Jesus, ay awa. Anumang kasiyahan o sakit ang dumating sa ating daan ay lahat ay buhat sa awa.
Ito ang dahilan kung bakit naparito si Cristo sa sanlibutan: “…upang ang mga Hentil naman ay magpuri sa Diyos dahil sa kanyang habag” (Roma 15:9, MBBTAG). Tayo ay ipinanganak na muli “Dahil sa laki ng habag niya sa atin…” (1 Pedro 1:3, MBBTAG). Nananalangin tayo araw-araw “upang makamtan natin ang habag” (Mga Hebreo 4:16, MBBTAG); at tayo ngayon “asahan ang awa ng ating Panginoong Jesucristo sa ikabubuhay na walang hanggan” (Judas 1:21, ADB1905). Kung ang sinumang Kristiyano ay mapapatunayang mapagkakatiwalaan, ito ay “nagkamit ng habag ng Panginoon upang [siya ay] mapagkatiwalaan” (1 Corinto 7:25, ADB1905).
Sa Lucas 17:5–6, nagsumamo ang mga apostol sa Panginoon, “Dagdagan po ninyo ang aming pananampalataya (MBBTAG)!” At sinasabi ni Jesus, ““Kung ang inyong pananampalataya ay sinlaki ng butil ng mustasa, masasabi ninyo sa punong ito ng sikamoro, ‘Mabunot ka at matanim sa dagat!’ at susundin kayo nito (MBBTAG).” Sa madaling salita, ang isyu sa ating buhay Kristiyano at ministeryo ay hindi ang lakas o dami ng ating pananampalataya, dahil hindi iyon ang nagbubuhat ng mga puno. Ang Diyos ang gagawa niyon. Samakatuwid, ang pinakamaliit na pananampalataya na tunay na nag-uugnay sa atin kay Cristo ay sapat na gagawa sa kanyang kapangyarihan para sa lahat ng kailangan mo.
Ngunit paano naman ang mga pagkakataong matagumpay mong sinusunod ang Panginoon? Ang pagsunod ba iyon ay nag-uudyok na alisin ka sa kategoryang nangangailangan ng habag? Ibinigay ni Jesus ang sagot sa sumusunod na mga talata ng Lucas 17:7–10 (MBBTAG):
“Kapag nanggaling ang inyong alipin sa pag-aararo o pagpapastol ng mga tupa sa bukid, inaanyayahan ba ninyo siya agad upang kumain? Hindi ba’t ang sasabihin ninyo ay, ‘Ipaghanda mo ako ng hapunan, magbihis ka, at pagsilbihan mo ako habang ako’y kumakain. Pagkakain ko, saka ka kumain.’ Pinasasalamatan ba ng amo ang kanyang alipin dahil sinusunod siya nito? Ganoon din naman kayo; kapag nagawa na ninyo ang lahat ng iniuutos sa inyo, sabihin ninyo, ‘Kami’y mga aliping walang kabuluhan; tumutupad lamang kami sa aming tungkulin.’”
Samakatuwid, ang aking konklusyon, ang marubdob na pagsunod at ang pinakamaliit na pananampalataya ay nakakamit ang parehong bagay mula sa Diyos: awa. Ang isang buto lamang ng mustasa ng pananampalataya ay tumatapik sa awa ng kapangyarihan ng Diyos na Siyang bumubuhat ng puno. At ang walang-kapintasang pagsunod ay lubos na umaasa sa awa.
Ang punto ay ito: Anuman ang oras o anyo ng awa ng Diyos, hindi tayo kailanman umaalis sa katayuan bilang mga tagatanggap ng awa. Lagi tayong lubos na umaasa sa mga bagay hindi tayo karapat-dapat.
Kaya magpakumbaba tayo at magalak at “luwalhatiin ang Diyos dahil sa kanyang awa!”
This article was translated by Nitoy Gonzales and was originally written by John Piper of Desiring God. To read the original version, click https://www.desiringgod.org/articles/the-smallest-faith