Sapagkat buhay at mabisa ang salita ng Diyos at higit na matalas ito kaysa sa alin mang tabak na may dalawang talim. Bumabaon ito hanggang sa ikapaghihiwalay ng kaluluwa at ng espiritu at ng kasu-kasuan at utak ng buto. Nakakatalos ito ng mga pag-iisip at mga saloobin ng puso. (Hebreo 4:12, Ang Salita ng Diyos)
Para sa mga unang mambabasa ng aklat ng Hebreo, ang metaphor sa talatang ito ay agad na papasok sa isipan nila ay ang gladius, ang maikling espada ng Roma. Ang mga espada na ito ay may mga dulo na hugis titik “y” na halos parang mga dilang bakal. Dito inihambing ng manunulat sa Hebreo ang Salita ng Diyos. Sa aklat ng mga Pahayag din, tinukoy ni Jesus ang Kanyang makapangyarihang salita bilang ” tabak sa aking bibig.” (Pahayag 2:16, Ang Dating Biblia). Nagtutusok man sa konsensya, nasisira ang mga anoman uri ng pagkukubli, humihiwa man sa mga kasinungalingan ni Satanas, o nag aalok sa atin ng pagpapatibay ng loob, ang espada ng Salita ng Diyos ay sapat na matalim para sa lahat ng ating pangangailangan.
Naunawaan ni Jesus ang kasapat na Kasulatan sa bawat sitwasyon at Siya ang ehemplo natin para lubos na umasa tayo rito. Sa harap ng tukso, bumaling Siya sa Biblia para sagutin ang Masama, at nahadlangan ang kanyang mga pag-atake (Mateo 4:1-11; Lucas 4:1-12). Matapos ang Kanyang pagkabuhay na mag-uli, upang muling panumbalikin ang dalawang nalulungkot na disipulo sa daan patungong Emaus, binaling Niya sila sa salita ng Diyos “At ipinaliwanag sa kanila ni Jesus ang lahat ng sinasabi sa Kasulatan tungkol sa kanya, simula sa mga aklat ni Moises hanggang sa mga sinulat ng mga propeta.” (24:27, Magandang Balita Biblia). Bakit hindi Niya na lang ipinakita sa kanila ang Kanyang mga nabutas na kamay dahil sa krus? Dahil alam Niya na bagama’t ang pagkakataong makita ang Kanyang mga sugat ay magiging sandali lamang at para lang sa ilang tagamasid, maraming henerasyon ang sumunod sa kanila na hindi makakasabay sa daan na kasama Niya—ngunit taglay pa rin nila ang mga Banal na Kasulatan at mababasa ang mga ito upang makita ang “tungkol sa kanya,.” Ang hindi nagkakamaling katotohanan ng Salita ng Diyos ay magiging sapat para sa mga pinili ng Diyos sa lahat ng panahon at lugar.
Nabubuhay tayo sa isang kapaligiran kung saan ang mga pinanghahawakang paniniwala ay nayanig. Ang tiwala sa Banal na Kasulatan ay lubos na gumuguho. Iilan lamang ang tunay na nagtitiwala sa awtoridad nito at sa kasapat na katuparan ng mga layuning itinalaga ng Diyos. Maaaring hindi ito lubos na maliwanag sa isang henerasyon, ngunit habang lumilipas ang panahon ang pagsira, ang pagkabulok, ang mga pag-aalinlangan, ang kawalang interes, at ang maling mga pag-kaabala ay magbubunga ng mapait na bunga.
Mag-ingat sa anumang bagay na naghihikayat sa iyo na mag-alinlangan sa iyong mga paniniwala tungkol sa iisang awtoridad at ganap na kasapatan ng Kasulatan. Mag-ingat sa mga sandali na ang iyong sariling puso ay nagsisikap na papurulin ang Salita ng Diyos, alinman sa pamamagitan ng hindi pagbabasa nito o hindi pagtupad nito. Sa halip, buksan ang iyong Bibliya at hilingin sa Espiritu ng Diyos na kumilos gamit ang Kanyang espada, tumagos sa iyong mga isipan at intensyon, ipakita sa iyo si Jesus, at paulit-ulit na ipaalala sa iyo ng Kanyang pag-ibig at ng kapangyarihan ng Kanyang Salita.
This article was translated by Nitoy Gonzales and was originally written by Alistair Begg for Truth For Life. To read the original version, click https://www.truthforlife.org/devotionals/alistair-begg/4/22/2023/