Noon ay may isang Judio na nakatira sa Susa. Siya’y si Mordecai na mula sa lipi ni Benjamin. Siya’y anak ni Jair at apo ni Simei na anak naman ni Kis. Isa siya sa mga nabihag ni Haring Nebucadnezar at dinala sa Babilonia mula sa Jerusalem, kasama ni Haring Jeconias ng Juda. (Ester 2:5-6, Magandang Balita Biblia)
Sa mundong ito, ikaw ay isang dayuhan.
Sa bagay na ito, ikaw at ako ay may pakakatulad kay Mordecai. Bilang “isang Judio sa Susa,” si Mordecai ay mula sa isang pamilya na dinala sa pagka-exile noong sinalakay ng mga Babilonia ang Jerusalem. Makalipas ang ilang henerasyon, at ngayon sa Persia, nandoon si Mordecai. Sapat na ang katandaan niya para gumanap bilang ama, inampon ni Mordecai ang kanyang naulilang pinsan na si Esther (Esther 2:7). Isa siyang pragmatist. Sa pagpapasiya na walang maiitulong na magmumula kay Esther na nagpapahayag ng kanyang sarili bilang isang Judio, inutusan niya ito na itago ang kanyang pagkakakilanlan nang dalhin siya sa palasyo (v 10). Pagkatapos ay itinalaga ni Mordecai ang kanyang sarili sa angkop na lugar upang obserbahan ang nangyayari sa pinsan na ito na kanyang inalagaan (v 11). At kalaunan ay natuklasan niya ang isang planong pagpatay na nagpahintulot sa kanya na makakuha ng pabor sa hari (v 21-23).
Lumilitaw na si Mordecai, tulad ng maraming bihag na ikalawa o ikatlong henerasyon, ay may partikular na pagtingin sa kapakanan ng kanyang bansa. Inalis siya sa lupang pinagmula ng kanyang pamilya, at sinisikap niyang malaman kung paano maging isang mabuting Judio at mabuting mamamayan sa Persia. Hindi maganda kinalalagyan nila; siya at ang iba pang mga exiles na kasama niya ay nasa isang maliit na grupo, sa gitna ng karamihan na labis na sumasalungat sa kanila. Gayunman, bilang mga Judio sa banyagang lupaing ito, hindi nila trabaho ang sakupin ang Persia o ibagsak ang gobyerno. Ang kanilang trabaho ay malaman ang ibig sabihin para sa kanila na pagtibayin ang kanilang pananampalataya sa isang hindi pamilyar at mahirap na sitwasyon.
Maraming mga Kristiyano sa Kanluran ang kailangang tumigil sa pag iisip na sila ay nabibilang sa nakakarami. Ang tunay na Kristiyano, na naniniwala sa Biblia at sa ebanghelyo ay nasa minorya. (Tunay ngang madalas na ito—marahil mas madalas kaysa inaakala natin!) Para tayong mga exile na nakatira sa ibang lupain. Ngunit hindi na kailangang maalarma. Ipinaaalala sa atin ng kuwento tungkol kay Esther na iningatan ng Diyos ang Kanyang mga pinili sa loob ng masasamang kapaligiran upang sila ay maging saksi sa Kanyang pangalan.
Ang mga tanong na dapat nating isaalang alang bilang mga mananampalataya ngayon, kung gayon, ay ang mga ito: Paano ako magiging isang mabuting Kristiyano at isang mabuting mamamayan? Paano ako mabubuhay para kay Jesus at “sa kabutihan at kaunlaran ng lungsod” kung saan Niya ako isinugo (Jeremias 29:7, ASND)?
Tinitiyak sa atin ni Pablo na tayo ay tunay na bahagi ng mga plano ng Diyos, na sinasabing, “Tayo rin naman sa kaniya ay ginawang mana, na itinalaga na niya tayo nang una pa ayon sa pasiya niyaong gumagawa ng lahat ng mga bagay ayon sa pasiya ng kaniyang kalooban; Upang tayo’y maging kapurihan ng kaniyang kaluwalhatian, tayong nagsiasa nang una kay Cristo:” (Efeso 1:11-12, Ang Dating Biblia (1905). Kaya, kapag sinisikap mong mamuhay nang tapat para sa Diyos sa banyagang kontekstong ito—at pakatandaan mo, kung ikaw ay isang mananampalatayang nabubuhay sa mundong ito, ikaw ay dayuhan!—mayroon ka pa ring malaking dahilan para tumingin ng may pag-asa.
This article was translated by Nitoy Gonzales and was originally written by Alistair Begg for Truth For Life. To read the original version, click https://www.truthforlife.org/daily/?date=7/23/2023&tab=alistair_begg_devotional