“Hindi dapat ipagmalaki ng marunong ang karunungan niya, o ng malakas ang kalakasan niya, o ng mayaman ang kayamanan niya. Kung gusto ng sinuman na magmalaki, dapat lang niyang ipagmalaki na kilala niya ako at nauunawaan niyang ako ang Panginoong mapagmahal na gumagawa ng tama at matuwid dito sa mundo, dahil iyon ang kinalulugdan ko. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.” (Jeremias 9:23-24 ASND)
Nabubuhay tayo sa isang kultura ng self-promotion na naghihikayat sa atin na magtiwala sa ating sarili sa halip na sa ating Lumikha. Dahil alam Niya na kailangan nating labanan ang pagtitiwala sa sariling kakayahan, kinakausap tayo ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang Salita, hinihikayat tayong magmalaki—na hanapin ang ating kumpiyansa—sa Kanya lamang.
Sa pagtatangkang makahanap ng karunungan na hiwalay sa Diyos, ang ilan masikap na hinahangad ang edukasyon at kaalaman. Ang ilan ay madaling umasa lalo na sa pisikal na lakas o kagandahan, na binabalewala ang katotohanan na ang ating katawan ay mabubulok at sa huli ay bibiguin tayo. Ang iba pa ay naaakit na umasa sa pera at kayamanan sa halip na sa Diyos bilang kanilang tunay na tagapaglaan.
Ito ay isang delusyon, sabi ni Jeremias, upang isipin kahit na para sa isang nanosecond na maaari nating ipagmayabang ang isang matalinong isip, isang malusog na katawan, o isang matabang portfolio. Kung gayon, saan tayo magtitiwala? Malinaw ang sagot ng propeta: dapat tayong magtiwala sa Diyos mismo.
Makapagtitiwala tayo sa Diyos dahil Siya ay Diyos ng katarungan. Siya ay namamahala ng walang kinikilingan, Siya ay namamahala ng may katotohanan, at hindi Siya pasumpong-sumpong sa Kanyang ginagawa. Maaari tayong magkaroon ng lubos na katiyakan na ang Kanyang mga kilos ay palaging naaayon sa Kanyang karakter.
Makapagtitiwala tayo sa Diyos dahil Siya ay mapagkikilanlan dahil ng Kanyang matatag na tipan na pagmamahal sa Kanyang mga pinili—isang pagmamahal na ipinaalam sa atin sa katauhan at ginawa ng Panginoong Jesucristo. At dahil sa lalim ng pagmamahal ng Ama sa atin, “Tinatawag tayong mga anak ng Diyos” (I Juan 3:1, MBBTAG)! Kaya, tayo ay dapat na kumanlong sa Kanyang katuwiran, hindi sa ating sarili. Ang ating tiwala ay nakasalalay kay Jesus, na tumupad sa kalooban ng Ama upang makilala natin Siya at mahalin Siya bilang ating Lumikha at Tagapagpanatili, bilang ating Tagapagligtas at Hari.
Ang biblikal na worldview ay hindi naninira sa mga hangarin ng mga tao sa paghahangad ng karunungan, paggamit ng pisikal na kahusayan, o kakayahang kumita. Ngunit ito ay nakatayo laban sa ideya na ang ating pagkakakilanlan, kasiyahan, o kaligtasan ay matagumpay na nakabatay sa alinman sa mga bagay na iyon. May kaluwalhatian pa rin na mas nagliliwanag kaysa sa mga ilaw na ito. Ang ating buhay ay dapat ipahayag nang may layunin, biyaya, at hayagan na nilikha tayo ng Diyos upang bigyan Siya ng kaluwalhatian sa pamamagitan ng ating mapagpakumbabang paglalakad sa Kanyang harapan at pagkakaroon ng kasiyahan sa Kanyang kawalang hanggan. Nasaan ang tiwala mo para sa araw na ito, bukas, at magpakailanman? Ano ang inaasahan mo para makayanan mo ang mahihirap na araw? Nawa ang sagot ay ang mapagmahal, makatarungan, matuwid na Panginoon ng lahat, at dapat mong tandaan na kapag nagtitiwala ka sa Kanya, nalulugod Siya sa iyo.
This article was translated by Nitoy Gonzales and was originally written by Alistair Begg for Truth For Life. To read the original version, click https://www.truthforlife.org/daily/?date=5/8/2023&tab=alistair_begg_devotional