“Bigyan mo kami ng aming pagkain sa araw-araw.” (Lucas 11:3, MBBTAG)
Kung ang tinapay ay kumakatawan sa isang bagay sa buong kasaysayan, ito ay pang-araw-araw na pagkain. Ang iba pang mga pagkain ay tiyak na kaaya-aya na mga karagdagan para tayo ay mabuhay, ngunit kapag iniisip natin ang tinapay, karamihan sa atin ay nag-iisip ng isa sa mga pinaka-pangunahing pangangailangan sa buhay natin ay nasapatan.
Ang ganitong uri ng kaisipan ay naaayon sa natatanging probisyon ng Diyos para sa Kanyang bayan. Sa Lumang Tipan, ang karanasan ng mga Israelita sa pagpapagala-gala sa ilang ay nangailangan ng kanilang lubos na pag-asa sa Diyos upang matugunan ang kanilang pang araw-araw na pangangailangan. Isa sa mga nakikitang paraan upang matutunan ang aral na ito ay sa pamamagitan ng paglalaan ng Diyos ng manna mula sa langit.
Nilinaw ng Diyos sa Kanyang bayan na, sa bawat araw, Siya ay magbibigay ng sapat na manna para sa isang araw at isang araw lamang. Hindi sila magtitira ang alinman dito hanggang sa umaga (Exodo 16:19). Ang layunin Niya sa pagbibigay ng tinapay sa isang araw ay turuan ang Kanyang bayan na magtiwala sa Kanyang probisyon. Nakakalungkot na may ilang Israelita na nagduda na gagawin Niya ang ipinangako Niya at hindi nila sinunod Siya, kaya nagtago sila ng ilang manna para sa susunod na araw (dahil ang pagdududa sa mga pangako ng Diyos ay laging humahantong sa pagsuway sa mga utos ng Diyos). Nagising sila sa umaga at tumambad sa kanila ang mabaho at inuuod na tumpok na natirang manna (v 20). Tinuturuan sila ng Diyos na umasa sa Kanya na maglaan Siya para sa kanila. Ito ay isang aral na matagal bago nila matututunan.
Kapag kinuha natin ang halimbawang ito sa Lumang Tipan at isinasaalang-alang ang mga salitang “Bigyan mo kami ng aming pagkain sa araw-araw,” maiisip natin na, sa linya na ito ng Panalangin ng Panginoon, si Jesus ay nagbibigay diin sa isang eternal na katotohanan: sa bawat panahon, itinuturo ng Diyos sa Kanyang pinili na magtiwala hindi sa probisyon mismo, na nag-iiwan sa atin ng pananabik para sa higit pa, kundi sa Tagapaglaan, na nagbibigay ng kasapatan sa bawat pangangailangan natin.
Nais ng Diyos na magising tayo at tuklasin muli ang Kanyang pang araw-araw na probisyon. Ito ang dahilan kung bakit inutusan Niya ang mga Israelita na mag-ingat ng konting manna para sa mga kinaapu-apuhan, na sinasabing, ” Ito ang utos ni Yahweh: ‘Kumuha kayo ng kalahating salop ng manna. Itatago ninyo ito upang makita ng inyong magiging mga anak at mga apo ang pagkaing ibinigay ko sa inyo nang ilabas ko kayo sa Egipto.” (Exodo 16:32, MBBTAG). Sa pagsunod sa tagubilin na ito, maaaring magsalita ang isang henerasyon sa susunod hinggil sa katotohanan at kamangha-manghang tuloy-tuloy at araw-araw na paglalaan ng Diyos sa kanila.
Ang Ama, na nakikilala natin sa pamamagitan ni Jesus, ay nagmamalasakit sa ating personal, praktikal, at materyal na mga pangangailangan. Maaring ay nagising ka kaninang umaga na okupado at nababalisa sa mga patuloy na problema o mga paparating na pangyayari sa iyong buhay. Tandaan ito: ikaw ang personal na inaalala ng Diyos, at maaari kang lumapit sa Kanya nang may tiwala, na hinihiling sa Kanya na ibigay sa iyo ang lahat ng kailangan para sa araw na ito. At pagkatapos ay maaari kang magtiwala sa Kanya na ibigay sa iyo ang nararapat na kailangan mo ngayon, at pagkatapos ay bukas, at sa mga susunod pang araw. Maaari mong ibigay sa Kanya ang buong bigat ng iyong mga alalahanin, dahil Siya ay nagmamalasakit sa iyo at naglalaan sa iyo (1 Pedro 5:7).
This article was translated by Nitoy Gonzales and was originally written by Alistair Begg for Truth For Life. To read the original version, click https://www.truthforlife.org/daily/?date=02/05/2020&tab=alistair_begg_devotional